HINIMOK ni Senadora Grace Poe ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno at kompanya ng telekomunikasyon na gawing isang requirement na ang “selfie” sa SIM registration.
Ito’y bilang pananggalang aniya laban sa fraud at scamming.
Ayon kay Poe, ang selfie o pagkuha ng sariling litrato ay dapat maging bahagi na ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11934 o ang SIM Registration Act.
Muling itinulak ni Poe, chair ng Senate Public Services Committee ang selfie requirement matapos ibunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang pagdinig sa Senado na nagawang magparehistro ng isang SIM gamit ang pekeng government ID na may litrato ng isang unggoy.
Bago ito, ilang beses na nagsagawa ang mga awtoridad sa mga cybercrime hub kung saan libong SIM cards ang nadiskubre na pawang pre-registered at naglalaman ng e-wallet na ginagamit ng mga sindikato sa kanilang scam operation.
Umaasa si Poe, may-akda at isponsor ng nasabing batas, maglalabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng pinatibay na IRR na mas magiging epektibo sa pagsugpo sa mga scam.