IPINAUUBAYA na ng Senado sa Bicameral Conference Committee kung ano ang magiging kapalaran ng budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2025.
Araw ng Martes ay aprubado na ng Senado ang P6.352-T national budget para sa susunod na taon.
Ito ay matapos inadopt ang rekomendasyon ng House of Representatives.
Dahil dito ay nanatili sa P733M ang budget ng opisina na pinangununahan ni Vice Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Finance, ‘di na ito tinaasan dahil sa kakulangan ng request mula sa opisina ni VP Sara.
“Nagkaroon naman ng pagkakataon dito sa pagdinig sa committee hearing na bigyan ng justification kung gusto nila itaas ‘yung budget. Wala namang formal request from the OVP na taasan ang budget. ‘Pag tataasan ng budget kailangan may manggaling sa kanila na breakdown at justification kung bakit tataasan,” ayon kay Sen. Grace Poe, Chair, Committee on Budget.
Sa kabila nito ay naniniwala naman si Poe na puwede pang taasan ang budget ng OVP pagdating sa BiCam kung saan isasapinal ng mga kinatawan ng Senado at Kamara ang budget ng gobyerno sa susunod na taon.
“Hindi pa ito end of the line for the OVP budget. Malay natin pagdating sa BiCam, meron na silang formal request and written letter na gusto nila na nagsasabi na kailangan talaga nila ‘yung mga programang ito,” ani Poe.
Pero para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay malabo na itong mangyari.
Una na rin kasing sinabi ni Sen. Bong Go na nag-usap na ang mga senador sa isang caucus kung ano ang magiging kapalaran ng OVP budget ngunit sila ay nagkaisa na ipaubaya na lamang ito sa BiCam.
“Di nga nakalusot dito sa atin sa caucus, BiCam pa?” dagdag ni Sen. Dela Rosa.
“Gaya ng sinabi ni Sen. JV, antayin na lang natin sa BiCam kung ano ang magiging disisyon ng both Houses of Congress,” wika ni Sen. Bong Go
Matatandaan na ibinaba ng Kamara sa P733 million ang budget ng OVP mula sa orihinal na ipinanukala na nasa higit dalawang bilyong piso matapos tumanggi si VP Sara na sagutin ang tanong ng mga mambabatas patungkol sa Confidential Funds ng kaniyang tanggapan.