Sen. Revilla, ikinatuwa ang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act sa Senado

Sen. Revilla, ikinatuwa ang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act sa Senado

NOONG Lunes ay pinal nang naaprubahan sa ikatlong pagbasa sa Senado ang Philippine Maritime Zones Act.

Ang principal author ng nasabing panukalang-batas na si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ay ikinagalak ang malaking hakbang na ito na aniya ay sa wakas magsisilbing “hudyat sa mas pinaigting at mas pinagtibay na pagtindig para sa ating Inang Bayan.”

Matatandaang si Sen. Revilla ang kauna-unahang nag-akda ng panukalang tumatalakay sa Philippine Maritime Zones sa 19th Congress. Inihain niya ang Senate Bill No. 852 noong Hulyo 25, 2022 sa pagbubukas ng sesyon ng Senado.

Sa ilalim ng panukalang ito, mas maliwanag at mas mariing iginigiit ang mga karapatan, kapangyarihan, at katungkulan sa mga katubigang pumapalibot sa ating bansa.

Idinagdag ni Sen. Revilla sa kaniyang explanation of vote na sakto ang pagpasa sa panukalang ito,

“Upang ipagsigawan sa mga yumuyurak sa ating soberanya at nagwawasak sa ating mga likas na yaman: hindi kami magpapaka-kimi at piping saksi sa inyong kalapastanganan. Hindi lalo kung nilalason niyo ang aming mga karagatan; hindi lalo kung inaapi ninyo ang aming mga mangingisda at inaagawan ng kabuhayan; at hindi lalo kung kinukutya ninyo ang aming bayan at mga umiiral na batas,” pahayag ni Sen. Revilla.

Malaki ang bumabalot na mga kontrobersiya at isyu sa mga anyong tubig na nakapaligid sa Pilipinas na siya namang pinag-uugatan ng pang-aabuso at pangmamaltrato hindi lamang sa ating mga mangingisda, kung hindi sa mga umiiral na batas sa ating bansa.

Sinasabing ang “legal victory” ng Pilipinas laban sa Tsina patungkol sa West Philippine Sea noong Hulyo 2016 sa Arbitral Tribunal sa The Hague ay minaliit ng Tsina at sinabing “just a piece of paper.”

Isang kabalintunaan ito sa katotohanang ito ay malaking panalo para sa soberanya ng ating bansa. Ngunit ang panalong ito ay hindi lubusang maipagbunyi at mapakinabangan dahil diumano ay wala tayong matibay na pinanghahawakan sa ating mga lokal na batas upang makipag-tuos laban sa mga sumasakop sa ating mga katubigan.

Kung kaya naman ika nga ni Sen. Revilla ay kailangan natin ng matibay na pundasyong sasandigan ng ating mga katwiran, na siya namang tunay na hangad ng Philippine Maritime Zones Act.

Emosyonal ngang tinapos ni Sen. Revilla ang kaniyang talumpati sa plenaryo matapos ang botohan noong Lunes nang sabihing ipagtatanggol niya palagi ang ating bansa hanggang sa huli niyang hininga.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito na pasado na rin sa House of Representatives, hindi lamang iwinawagayway ang ating watawat, ipinagdidiinan din natin ang ating mga prinsipyo at paninindigan. Pilipinas naming mahal na kapag may mang-aapi, kami ay titindig at hindi pagagapi,” pagwawakas niya.

Inaasahang mapirmahan na rin ang panukalang batas na ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos na siya mismo ang nagtakda na maaprubahan na ito ng parehas na kapulungan ng Kongreso noong isang taon pa.

Sa kaniyang pakikipagpulong noong 2023 sa mga miyembro ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ipinabatid na kasama ang Philippine Maritime Zones Act sa legislative priorities ni Pangulong Marcos.

Kapag naisabatas na nga, itinuturing ni Sen. Revilla na legasiya niya ito at ng buong Kongreso dahil sa malaking papel na ginampanan nila sa kasaysayan at soberanya ng ating Inang Bayan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble