HINDI na nakatiis si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. hinggil sa muli na namang pagtirik ng Metro Railway Transit (MRT) 3 para kalampagin ang Department of Transportation (DOTr) para ayusin naman ang pamamalakad ng naturang kompanya.
Inilabas ang pahayag ni Revilla matapos mag-viral sa social media ang napakahabang pila ng mga commuters paakyat ng MRT-3 dahil sa muling pagtirik ng isang bagon na tumagal ng humigit-kumulang sa isang oras.
Sinabi ni Revilla na ang napakahabang pila na naganap bandang alas-6 ng gabi noong nakaraang Martes ay humantong sa sigawan, tulakan at grabeng siksikan na puwedeng maging super spreader ng COVID-19 lalo pa at nararamdaman sa Metro Manila ang pagtaas ng kaso.
“Hindi naman masama na masiraan, ang hindi maganda ay ‘yung madalas, ibig sabihin may problema sa maintenance at ang nagdurusa dito ay ang kaawa-awa nating mga kababayan na pagod na maghapon at nagmamadaling makauwi ng bahay tapos maaabala na at posible pang mahawa sa COVID-19” saad ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na ilang buwan na umanong maayos ang operasyon ng LRT-1 at LRT-2 na maging ang mga escalator at elevator ay gumaganang lahat na malaking tulong sa mga commuters partikular sa mga senior citizen at PWD (people with disability).
“Kaya tinatawagan natin itong DOTr na ayusin naman nila ang serbisyo nila dahil ang MRT-3 ang pinakabago kumpara sa LRT-1 at 2 tapos sila pa itong palaging may problema, sana lang maayos na nila ito” pahayag pa ni Revilla.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 hinggil sa pangyayari at inaming nagkaroon lamang ng technical glitch sa signaling system na inulat sa patungong Taft Avenue station.
“More or less ay 300,000 commuters ang umaasa sa MRT araw-araw at sana ay pagbutihin ng DOTr ang kanilang serbisyo dahil nakakaawa ang ating mga kababayan, lalo na ngayong malapit na ang Pasko, kahit ito man lang mairegalo nila sa publiko,” pagwawakas pa ni Revilla.