NAGSUMITE ng panukalang batas si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na naglalayong i–regulate ang parking fee sa mga commercial at business establishments, institutions, at parking facilities dahil sa dami na umano ng reklamo hinggil dito.
“Ilang taon nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas na i-regulate ang bayad sa parking spaces katulad ng sa mga mall, mga kainan, at ibang pang lugar. Sa totoo lang, kung tutuusin, matagal na dapat naisabatas ito. Kaya ngayon ay talagang itutulak natin ang pagpasa nito sa Kongreso lalo na’t malaking kabawasan ito sa gastusin ng ordinaryong mamamayan,” ani Revilla.
Nakapaloob sa Senate Bill No. 1463 na dapat ay isaayos ang parking rates sa malls, supermarkets, restaurants, hotels, hospitals, schools, at iba pang parking facilities.
Sa nasabing panukala:
- P20 ang babayaran para sa first 3 hours + P5/succeeding hour for all types of cars;
- P10 for first 3 hours + P2/succeeding hour for motorcycles;
- P100 flat rate for overnight parking for all types of cars;
- P50 flat rate for overnight parking for motorcycles;
- P100 flat rate for valet service, in addition to the regular parking fee;
- P100 in addition to parking fees for lost or damaged parking ticket;
- P200 in addition to parking fees for lost or damaged parking card.
Nakasaad din sa naturang panukala ang 15 minutong grace period para sa mga pass-through customers na kahit pumarada saglit ay hindi dapat singilin.
Tulad din ng hindi dapat na pagsingil sa mga customers na gumastos ng hindi bababa sa P500 sa naturang establisyemento.
“Habang nirerespeto natin ang mga negosyo na tumutulong sa pagpapalago ng ating ekonomiya, kailangan din nating balansehin at protektahan ang interest ng nakakarami. Kaya dapat lamang na i-regulate natin ang parking fees na minsan ay hindi na nagiging makatarungan,” paliwanag pa ni Revilla.
Nabatid na maraming parking facilities at office parking spaces sa bansa, lalo na sa mga Central Business Districts ay grabeng maningil na umabot ng mahigit sa P400 para lamang sa 8 oras na malaking bahagi na umano ng isang araw na kita ng ordinaryong manggagawa.
“Minsan, kakarampot na lang ang kinikita ng ating mga kababayan. Tapos mababawasan pa ito ng malaki dahil sa sobrang mahal na parking fees sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. O kaya naman na halip na maidagdag nila sa kanilang pang-grocery e napupunta pa sa mahal na parking fee sa pamilihan o mall. Kaya dapat talaga ay ipasa na natin ang batas na ito upang matulungan natin ang mga consumer,” pagwawakas ni Revilla.