Sen. Revilla, nanawagang makilahok ang publiko sa greening program ng bansa

Sen. Revilla, nanawagang makilahok ang publiko sa greening program ng bansa

SUPORTADO ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. si Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Sen. Cynthia A. Villar na himukin ang publiko na makilahok sa pagtatanim ng puno upang iligtas ang mga nawasak na kagubatan.

 “Tama si Sen. Villar na dapat talagang makilahok ang bawat isa sa atin sa pagtanim ng mga puno. Alam naman natin na malaki ang ginagampanan ng mga ito upang mapanatili ang ating buhay lalo na sa mga panahon ng sakuna. Kung maibabalik natin sa dati ang malagong kagubatan, at mas makakapagtanim rin tayo sa kalungsuran, mas mababawasan ang panganib na dulot sa atin ng bagyo, baha, at iba pa,” saad ni Revilla.

Sinabi pa ni Revilla na dapat pangunahan ng Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang pagpapatupad ng greening program ng pamahalaan, hindi lang umano dapat tumutok sa pagtatanim ang DENR bagkus ay siguruhing mabubuhay ang mga itinamin at maging puno.

“Dapat ang DENR, tutukan din nila yung survivability ng mga punla na itinatanim nila. Hindi natatapos sa pagtatanim ang pagpapalago ng puno. Base sa report nila noon, napakarami nang naitanim. Pero bakit hindi natin makita at maramdaman na dumadami ang mga puno?” dugtong pa ni Revilla.

Hinimok din ni Revilla ang publiko na magtanim ng mga mabilis tumubo at kapaki-pakinabang sa isang rehiyon upang upang maiwasan ang pagkalat ng kakaibang pananim na hindi kapaki-pakinabang sa bawat rehiyon.

Kaugnay nito ay nagsumite ng Senate Bill No. 1538 na naglalayong lahat ng graduating elementary, high school, at college students maging galing sa pampubiko o pribado na magtanim ng 10 puno bawat isa bilang prerequisite para sa graduation.

Idinagdag pa ni Revilla na kaya isinumite ang naturang panukala upang susugan ang National Greening Program (NGP) ng pamahalaan at matiyak na maayos ang magiging kapaligiran ng susunod na lahi ng mga Pilipino.

“Kaya hinain natin ang panukalang batas na ito para mas makatulong sa reforestation program ng gobyerno. Higit pa doon, lagi nating sinasabi na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Kaya naman dapat nating silang gabayan kung paano mas magiging maayos ang kalikasan sa kanilang kinabukasan,” pagwawakas pa ni Revilla.

Nakapaloob din sa naturang panukala na ang itatanim na puno ay dapat sa: forestlands, mangrove forests, protected areas, ancestral domains, civil at military reservations, urban areas na nasa ilalim ng greening plan ng local government units (LGUs), inactive at abandoned mine sites,  at ibang pang angkop na lugar.

Follow SMNI NEWS in Twitter