Sen. Revilla, pinaiimbestigahan ang airspace shutdown nitong bagong taon

Sen. Revilla, pinaiimbestigahan ang airspace shutdown nitong bagong taon

ISINUMITE ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. ang PS Resolution 391 na inaatasan ang Senate Committee on Public Services na magsagawa ng imbestigasyon sa naganap na airspace shutdown sa bansa noong bagong taon na ipinag-utos ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Nabatid na nagkaroon ng biglaang aberya dahil sa power supply na humantong sa pagkakaantala ng mga biyahe ng 282 flights na nakaapekto sa may 56,000 pasahero at 3,000 sa mga ito pawang mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Dapat imbestigahan at tingnan mabuti ang dahilan ng pagtigil ng operasyon ng lahat ng paliparan sa bansa noong Bagong Taon. Sa bawat pagkakataon na may mangyayaring ganito, napakalaki ng epekto at abala ang idinudulot nito” saad ni Revilla.

Idinagdag pa ng Vice Chairperson of the Senate Committee on Public Services na ang naturang trahedya na nakaapekto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM) ay nagdulot ng domino effect dahil sa patuloy na mga kanselasyon, pag-antala at diversions ng mga flights, kaya dapat ay siguruhin na hindi na umano maulit muli.

“Hindi lang dapat yung glitch ang tignan, kundi yung appropriateness nung response, naiintindihan natin na tamang inuna munang isaayos ang lahat, at nagpapasalamat tayong walang trahedyang nangyari, pero ngayong back to normal na ang operations, kailangang busisiin ang lahat ng nangyari,” paliwanag pa ni Revilla.

Nabatid na dahil sa pangyayaring nabanggit ay hindi lamang ang NAIA ang naapektuhan kung hindi ang lahat ng paliparan sa buong bansa na ayon sa pahayag ng CAAP ay sa Huwebes pa tuluyang maaayos ang lahat.

“Nararapat lamang na siguruhin natin na lagi tayong handa sa mga pagkakataon katulad ng nangyari dahil hindi lamang abala yan. Nakataya rin diyan ang kaligtasan ng ating mga kababayan pati ang seguridad ng ating bansa,” pagwawakas pa ni Revilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter