NAGHAIN ng resolusyon si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa Senado hinggil sa limang Bulakenyo kaanib ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nagbuwis ng kanilang buhay para lamang iligtas ang mga biktima ng Super Typhoon Karding noong Setyembre 25, 2022.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina George Agustin, Narciso Calayag Jr., Troy Justin Agustin, Jerson Resurreccion at Marby Bartolome na sabay-sabay binawian ng buhay habang isinasagawa ang isang rescue operation.
Nabatid na idineklarang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Service Administration (PAGASA) ang buong lalawigan ng Bulacan dahil sa pananalasa ng Bagyong Karding na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Dahil sa kabi-kabila ang nangangailangan ng tulong ay nagpasya ang limang biktima na gumamit na lamang ng lifeboat matapos na hindi na umano makayanan ng ginagamit nilang truck na magsalba pa ng maraming residente na naipit sa baha.
Sa bahagi ng Barangay Camias, San Miguel, Bulacan habang isinasagawa ang rescue operation ay bigla na lamang nag-collapse ang isang bahagi ng pader na tumabon at dumagan sa lifeboat ng lima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Dahil dito ay nagpahayag ng pakikiramay ang Senado sa mga pamilya ng mga nasawi kasabay ng pagpupugay dahil sa kanilang kabayanihan na kahit alam nilang delikado ang kanilang misyon ay patuloy pa rin sila sa pagsasagawa ng pagtulong.
“Saludo tayo sa limang miyembrong ito ng rescue team ng Bulacan at mananatili sa alaala ng bawat Pilipino ang inyong kabayanihan at bagama’t masakit ang mawalan ng mahal sa buhay ay hindi nasayang ang kanilang ibinuwis na buhay para sa pagmamahal sa bayan,” talumpati pa ni Revilla.
MGA KAUGNAY NA BALITA:
Pagpupugay sa 5 rescuers, di sapat; Disaster resilience kailangan i-level up –Sen. Imee Marcos
DILG Sec. Abalos, pinarangalan ang 5 rescuers na nasawi sa Bulacan