Sen. Revilla sa DPWH at MMDA: Paghandaan ang La Niña

Sen. Revilla sa DPWH at MMDA: Paghandaan ang La Niña

NANAWAGAN si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maghanda kasabay ng pagtaas ng alerto kamakailan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang La Niña.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng chairman ng Senate Committee on Public Works na ang komite ay nagsagawa na ng ilang mga pagdinig hinggil dito subalit iginiit na ang nabanggit na mga ahensiya ay dapat maging proaktibo sa paghahanda para sa gayong natural na pangyayari, at hindi lamang maging reaktibo.

“We just have to remind them again. Hindi ‘yung every time, nagiging reactive na lang. Dapat talaga proactive,” ayon kay Revilla.

“Ngayon pa lang, dapat ‘yung mga silted na mga ilog, hinuhukay na nila. Sinabi ko na dati sa DPWH, bumili na sila ng mga backhoe nila. Hukayin na nila para hindi na lumubog ‘yung mga lugar,” dagdag pa niya.

Ayon sa PAGASA, ang El Niño sa buong Tropical Pacific Ocean ay nagpapakita ng mga palatandaan ng paghina at inaasahan itong magpatuloy hanggang Marso-Abril-Mayo 2024.

Sa kabilang banda, sinabi ng weather agency na may 55% na tsansa na magkaroon ng La Niña sa Hunyo-Hulyo-Agosto 2024.

“We always have to be one step ahead. Preparedness is just as important as resilience. Hindi pwedeng kapag andyan na ‘yung ragasa ng baha, saka pa lang magkukumahog. Our vulnerability to natural calamities should be our constant reminder to always be equipped to withstand severe weather conditions which are expected given our geographical location,” wika ng senador.

Ibinahagi ni Revilla na patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa mga pangunahing ahensiya hinggil dito, at pinag-iisipan na magkaroon ng isa pang public hearing upang hingan ng mga update at maging impormado sa mga paghahanda ng nasabing mga ahensiya.

Dagdag pa niya na dapat magbigay ng update ang mga implementing agency ng multi-billion Metro Manila Flood Management Project sa estado ng programa sa kung “ilang porsiyento na ba ang nasimulan; at sa mga ito, ilan na ang natapos?”

Binubuo ng proyekto ang ilang mga bahagi na naglalayong modernisasyon ng mga lugar ng drainage, pagbabawas ng solid waste sa mga daanan ng tubig, partisipatibong pabahay at resettlement, at pamamahala at koordinasyon ng proyekto.

“We have been constantly reminding them especially itong DPWH. Kausap natin si Secretary Bonoan diyan. Alam naman na nila kung ano ‘yung mga flood-prone areas talaga, kailangan maihanda sila. Time is of the essence sa mga ganitong klase ng sakuna. Buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ang nakataya diyan” mariing iginiit ng mambabatas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble