Sen. Robin, isinulong ang mas malaking kabayaran para sa maling pag-aresto dahil sa ‘mistaken identity’

Sen. Robin, isinulong ang mas malaking kabayaran para sa maling pag-aresto dahil sa ‘mistaken identity’

ISINUSULONG ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang mas malaking kabayaran mula sa pamahalaan para sa mga biktima ng maling pag-aresto at pagkulong dahil sa “mistaken identity.”

Sa kaniyang Senate Bill 2547, a.k.a. “Mohammad Said Act,” ipinunto ni Padilla ang kaso ni Mohammad Maca-antal Said, 62, na biktima ng maling pagkaaresto noong 2023 dahil sa mistaken identity. Pinalaya si Said nitong Pebrero 7.

“This representation proposes to ensure that any person unjustly detained or deprived of liberty due to mistaken identity shall be compensated based on the period of imprisonment or detention,” ani Padilla sa kaniyang panukalang batas.

Dagdag niya, inirekomenda rin ng panukalang batas na isang pag-revisit sa RA 7309 (An Act Creating a Board of Claims under the Department of Justice of Victims of Unjust Imprisonment or Detention and Victims of Violent Crimes and for Other Purposes) – ang mas mataas na pagbayad mula sa Board of Claims.

Aniya, bagama’t sinisikap ng estado na ipatupad ang Sec. 1, Art. III ng 1987 Constitution na tumitiyak sa karapatan sa buhay at kalayaan ng bawat Pilipino, nariyan pa rin ang pagkakamali sa pag-aresto at pagkulong, sadya man o hindi.

“There remains the fact that errors in making an arrest or detention of a suspected offender, whether knowingly or not, are committed by our law enforcers,” aniya.

Ipinunto ni Padilla ang isang investigative report ng ABS-CBN News noong 2015 kung saan hindi bababa sa 51 ang naitalang “wrongful arrests”.

Dagdag ng mambabatas, mismong Korte Suprema ang nagsabi na hindi legal ang pagkulong ng isang tao dahil sa mistaken identity.

Sa kaniyang panukalang batas, nais ni Padilla na amyendahan ang Section 3 ng RA 7309, na isama ang any person unjustly detained or deprived of liberty due to mistaken identity” sa mga maaaring mag-file para sa claims.

Nais din niyang amyendahan ang Section 4 ng RA 7309 para itaas ang kompensasyon para sa biktima ng unjust imprisonment or detention, na hindi bababa sa P10,000 kada buwan ng pagkakulong.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang taunang pondo para sa claims ay manggagaling sa tatlong porsiyento ng net income ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), at tatlong porsiyento sa “proceeds and sales and other disposition of military camps in Metro Manila by the Bases Conversion and Development Authority.”

May itatabi ring P50 sa filing fee ng mga civil case sa korte, para sa Victim Compensation Fund na hahawakan ng Department of Justice (DOJ).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter