Sen. Robin, isinulong ang paghilom, paglaya, at pagkakaisa sa pag-sponsor ng National Hijab Day Bill

Sen. Robin, isinulong ang paghilom, paglaya, at pagkakaisa sa pag-sponsor ng National Hijab Day Bill

PAGHILOM, paglaya, at pagkakaisa.

Ito ang iginiit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes sa kanyang pagsulong sa panukalang batas na ginugunita ang Pebrero 1 bilang National Hijab Day.

Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill 1410, ipinunto ni Padilla na ang panukalang batas ay sumasagisag sa tatlong asal na ito – at sa pagpigil sa diskriminasyon lalo sa kababaihang Muslim na nakasuot ng hijab.

Ayon kay Padilla, nasaksihan niya ang aktwal at salaysay ng iba’t ibang uri at porma ng diskriminasyon na nararanasan ng ating mga kapatid na kababaihang Muslim na nakasuot ng hijab.

“Kung kaya naman ako po ay naniniwala na ang pagtulak natin sa panukalang batas na ito para sa kampanya ng pampublikong kamalayan sa kahulugan ng pagsusuot ng hijab ay magiging daan upang sa wakas ay unti-unting maghilom na ang mga sugat na matagal nang iniinda ng ating mga kababaihang Muslim,” aniya.

“Ang panukalang batas na ito ay sumisimbulo rin po sa paglaya ng mga kababaihan upang maipahayag ang tunay nilang pagkakakilanlan “na walang bahid ng hiya, takot, at pangamba mula sa mga matang mapanghusga,” dagdag niya.

Iginiit din ni Padilla na ang hijab ay hindi basta isang piraso lamang ng tela.

“Bagkus, ito po ay sumisimbulo sa respeto sa sarili at pagkapribado ng isang babaeng Muslim,” dagdag ni Padilla.

Pinunto niya ang Seksyon 5, Artikulo III ng Saligang Batas, kung saan “dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihiyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili.”

“Ginoong Pangulo, atin din pong binibigyang-diin na ang deklarasyon sa unang araw ng Pebrero upang gunitain ang Araw ng Hijab ay sumasagisag rin po sa isang inklusibo at nagkakaisang lipunan,” ayon kay Padilla.

“Ika nga po ni Sister Maisara noong nakaraang pagdinig: ito po ay 30 years in the making. Nararapat lamang po na tayo ay magpasa ng batas pangkalahatan na maghahatid ng mensahe ng pagkakaisa at inklusyon para sa lahat ng miyembro ng lipunan, anuman ang kanyang relihiyon, kultura, at paniniwala,” dagdag niya.

Nilinaw rin ni Padilla na hindi niya nais ituring na isang holiday ang unang araw ng Pebrero. Bagkus, nais niyang itaas ang antas ng pampublikong kamalayan sa simbolo ng hijab, “kaalinsabay ng pagsisikap nating lumikha ng isang mahabagin, payapa, at inklusibong lipunan.”

Sa kanyang sponsorship speech, naging isa si Padilla sa limang senador na nagsusulong sa panukalang batas para sa National Hijab Day – kasama sina Sen. Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr., Risa Hontiveros, at Lito Lapid.

Follow SMNI NEWS in Twitter