ISINULONG ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules ang pagbuo ng pondo para sa pangkabuhayan ng mga rebel returnees, kasama ang 14,000 mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), upang tiyakin na ang mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan ay hindi mapunta sa wala.
Ani Padilla, mahalaga ito para basagin ang paulit-ulit na labanan kung saan ang mga kamag-anak ng mga sumuko ay lumalaban muli sa gobyerno dahil sa kahirapan.
“Kasi po ang nangyayari sa aking obserbasyon, lumalahok ang nakatatandang myembro ng mga rebelde, sila ay pumapasok uli sa gobyerno, nanumbalik pero tulad ng nangyari sa Marawi siege, ang kanilang anak at apo ay di nila nakumbinsi, ito humawak ng armas. Ganoon din sa Abu Sayyaf Group. Ang Abu Sayyaf Group, ay yan ay mga apo, anak ng mga Moro National Liberation Front,” aniya sa kaniyang interpellation sa 2024 budget ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).
“Hangga’t meron tayong tinatawag na mga kaaway mismo dito sa loob ng ating bansa, napakaimposible na magkaroon tayo ng pag-unlad (So long as we have enemies from within our own country, progress is impossible),” dagdag niya.
Iginiit ni Padilla na ang pamahalaan ay dapat makipag-ugnayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para dito.
Ayon kay Sen. Ronald dela Rosa, ang sponsor ng 2024 budget ng OPAPRU, ang bawat MILF returnee ay may P1-M na socio-economic package, kasama ang P100,000 cash assistance at non-cash aid tulad ng livelihood program at socio-economic assistance kasama ang livelihood assistance at skills training.
Para sa 2024, may 14,000 MILF combatants na nakatakdang tatanggap ng ganitong tulong, pero dahil P899.314-M lang ang nakalaan sa 2024 budget, o kulang sa 10 porsiyento ng kinakailangang pondo.
Dito ay nalungkot si Padilla, na nagpahayag ng pangamba na mapepeligro ang normalization process.
“Pagka ang mga combatants hindi natin nabigyan ng pansin, magiging suliranin ito … Kailangan natin harapin yan. Di pwedeng di harapin yan. Sasabihin lang next year kayo, hindi pwedeng puro next year. Ang taong nasa ground, na tunay na nakakaranas ng kahirapan 24 oras umiikot ang panahon, di pwedeng sabihing next year na kayo,” aniya.
“Yan naman ang ating mungkahi na kung tunay talaga ang intention ng bawat isa, ‘di dapat mauwi sa usaping pera… Ang ating pinag-uusapan dito papaano mabubuo ang bansa. At ang bansa di mabubuo kung ang tao sa loob niyan hindi masaya (If we are sincere in achieving peace, we must not put a peso sign on it. We must think of how to make our country whole. And we cannot do this if there are people who are not happy),” dagdag niya.