KINONDENA ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang sunud-sunod na pagpatay ng mga miyembro ng tribong Teduray sa Bangsamoro Region, matapos ang pagpaslang sa Teduray leader at village councilman Elvin Moires noong Setyembre 17.
Ihinain ni Padilla nitong Huwebes ang Senate Resolution 1203, kung saan ikinaalarma niyang umabot na sa 75 ang bilang ng mga napatay ng miyembro ng Teduray Tribe.
“The rising number of killings within the Teduray Tribe is alarming, with the latest count of defenseless individuals killed reaching seventy-five… It must be emphasized that injustice and violence do not have a place in any civilized society and no just cause justifies brutalities against the lives of all persons,” aniya.
Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, pinaslang si Moires ng ‘di kilalang tao habang pauwi galing sa tribal wedding ceremony. Nagkaroon siya ng reputasyon bilang pinuno ng mga Lumad sa South Upi na ipinaglalaban ang karapatan ng indigenous people.
Dagdag niya, simula 2018, naging biktima ang Teduray at Teduray-Lambingan ng pagbabanta at pagpatay “for strongly advocating against land encroachment, and displacement or dispossession of their ancestral lands.”
Noong Disyembre 20, 2022, pinaslang si Jocelyn Palao, ang pinuno ng ancestral domain division ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao Ministry of Indigenous Peoples Affairs, matapos umalis sa kaniyang tanggapan sa Cotabato City.
Nitong Abril, si village councilman Juanito Promboy ng Brgy. Tuayan ay pinatay ng naka-motorsiklo habang papunta sa Brgy. Limpongo.
Pinatay naman ng armadong kalalakihan si South Upi Vice Mayor Roldan Benito at security aide niya habang papunta sa Barangay Pandan sa South Upi noong Agosto 2.
Ani Padilla, kinikilala ang Teduray na indigenous cultural community sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Sultan Kudarat, at Bangsamoro Region.
Ikinalungkot niya na ang pagpatay ay sa kabila ng probisyon ng Saligang Batas na kinikilala ng estado ang karapatan ng indigenous cultural communities “within the framework of national unity and development.”