Sen. Robin nais siyasatin ang papel ng media sa panahon ng gusot

Sen. Robin nais siyasatin ang papel ng media sa panahon ng gusot

NAIS ni Sen. Robin Padilla na siyasatin ang papel ng media sa panahon ng gusot – tulad ng tensiyon sa South China Sea – para magampanan nito ang tungkulin nitong panatilihin ang malakas na demokrasya.

Ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 999, na magsasagawa ng investigation aid of legislation tungkol dito sa pamamagitan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na kaniyang pinamumunuan.

Ani Padilla sa kaniyang resolusyon na idiniin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng media – lalo na ng broadcasting – na alagaan ang pampublikong talakayan, katotohanan at kredibilidad, at ang “rule of law.”

Dagdag ng mambabatas, maaaring maapektuhan ang Pilipinas hindi lang sa mga isyu sa West Philippine Sea, kundi pati sa labanan ng Russia at Ukraine, at ang tumitinding tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Bukod sa banta sa ASEAN Region ng West Philippine Sea (WPS) issue kung saan nalalagay ang Pilipinas sa “potential crisis situation,” iginiit ni Padilla na ang labanan ng Russia at Ukraine ay maaaring magkaroon ng epekto sa Pilipinas, kabilang ang inflation, fuel shortage, at food insecurity.

“(It) is crucial for Filipinos to be well-informed of the consequences of our political inclination and possible courses of action should these aforementioned global conflicts escalate,” aniya sa kaniyang resolusyon.

“In critical times like this, experience tells us that the mass media, which is considered truth-tellers, plays a vital role in affecting public perception pertinent to existing conflicts,” dagdag niya.

Dahil dito, ipinunto ni Padilla na kailangang tiyakin na ang media ay maglalabas ng “accurate and timely information to the public on pressing issues, particularly on present global conflicts with the end view of raising awareness and enabling citizens to prepare and make sound decisions for themselves.”

 

Follow SMNI NEWS on Twitter