NAGHAIN si Sen. Robin Padilla nitong Lunes ng resolusyon para imbestigahan ang “Indefinite Suspension” ng Sonshine Media Network International (SMNI) mula Disyembre 2023.
Sa Senate Resolution 960, iminungkahi ni Padilla na hawakan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, kung saan siya ang tagapangulo, ang isasagawang imbestigasyon ay “in aid of legislation.”
“The imposition of baseless suspension orders on SMNI not only constitutes a denial of due process but also an erosion of press freedom,” aniya sa kanyang resolusyon.
Dagdag ni Padilla, hindi napatunayan ng National Telecommunications Commission sa show-cause at suspension orders nito sa SMNI, kung bakit kailangang suspindihin ang operasyon ng SMNI, o maipaliwanag man lang kung bakit kailangan ang suspensyon para maiwasan ang “Serious and irreparable damage or inconvenience to the public or to private interests.”
Ayon din kay Padilla, hindi pwedeng labagin ang karapatan ng mamamayan sa public information, na aniya’y nakakatulong sa publiko sa pamamagitan ng pagbigay ng mabuting pananaw sa mga isyu na umaapekto sa lipunan.
Ipinunto rin ni Padilla na malinaw ang Korte Suprema, sa kaso ng Chavez vs Gonzales noong Pebrero 2008, na mahalaga ang kalayaan ng media – “that any attempt to restrict it must be met with an examination so critical that only a danger that is clear and present would be allowed to curtail it.”