Sen. Robin, pinangunahan ang unang komemorasyon ng World Hijab Day sa Senado

Sen. Robin, pinangunahan ang unang komemorasyon ng World Hijab Day sa Senado

BAGAMAT malayo pa ang landas na tatahakin, may mga unang hakbang nang nagawa para mapalawig ang kamalayan ukol sa ating mga kapatid na Muslim sa pamamagitan ng World Hijab Day.

Iginiit ito nitong Miyerkules ni Senator Robinhood “Robin” C. Padilla, na nanguna sa isang programa sa Senado upang isulong ang paggunita ng nasabing okasyon.

Natuwa si Padilla, ang tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Committees and Muslim Affairs, na maraming kababaihan sa Senado – kabilang ang mga Kristiyano – ay nakasuot ng hijab bilang pakikiisa sa kanilang kapatid na Muslim.

“Napakasarap na makita ang mga nagsusuot ng hijab, nakangiti – at sila ay excited. May Almighty God bless you all,” ani Padilla.

Ayon sa mambabatas, sa pamamagitan ng pagsuot ng hijab, maranasan ng mga kababaihan “ang pinagdadaanan ng mga kapatid ninyong Muslim.”

Iginiit din niya na hindi ito usapin ng relihiyon kundi pakikipag-kapwa tao.

“Malungkot man sabihin, marami pa tayong kababayan ang hindi nakakaintindi ng ibig sabihin ng hijab,” dagdag niya.

Dahil dito, hinimok niya ang lahat, Muslim man o hindi, na makinig at makilubog sa karanasan ng mga hijabi, o kababaihang sumusuot ng hijab.

Umaasa rin si Padilla na maipasa ngayong Kongreso ang panukalang batas na Senate Bill 1410 kung saan isa siya sa may-akda na itinatatag ang National Hijab Day sa Pilipinas sa ika-1 ng Pebrero.

“Sana ngayong Congress na ito sa Mataas at Mababang Kapulungan, maipasa na ito,” aniya.

Binasa sa palatuntunan ang isang liham mula kay Nazma Khan, na nagsimula ng World Hijab Day, kung saan pinasalamatan niya si Padilla para sa pagdala ng pag-asa.

“Thank you for being a beacon of hope for myself and our Muslim sisters worldwide,” aniya.

Kasama sa mga dumalo sa programa si Sen. Risa Hontiveros, kapwang may-akda ng panukalang nagsusulong na gawing Pambansang Araw ng Hijab ang Pebrero 1.

Nagbigay-pugay rin si Padilla sa Bangsamoro Parliament na pumasa nitong Enero 25 ng Resolusyon No. 162.

Sa resolusyon ay isinaad ng Bangsamoro Parliament ang buong suporta para gawing Pambansang Araw ng Hijab ang Pebrero 1.

Pinasalamatan din ni Padilla sina Commissioner Bai Norhata Alonto, Commissioner Dalisay Alliah Macadawan, Atty. Rohaira Lao, Ms. Princess Habiba Sarip, Atty. Maisara Dandamun-Latiph, at Director Shey Mohammad na nakilahok sa programa.

Nagbigay-pugay rin siya sa Senate Secretariat sa pangunguna ni Secretary Renato “Rey” Bantug, at ng tagapangulo ng Gender and Development Focal System, Atty. Maria Valentina S. Santa-Cruz.

Follow SMNI NEWS in Twitter