Sen. Robin, pinatitiyak na ‘siga’ ang commander of the guards sa Bilibid

Sen. Robin, pinatitiyak na ‘siga’ ang commander of the guards sa Bilibid

NAIS ni Senator Robin Padilla na magkaroon ng malinaw na guidelines para sa commander of the guards na nagbabantay sa Bilibid.

Kailangan ng mas mahigpit na patakaran para tiyaking “siga” ang commander of the guards sa New Bilibid Prison (NBP) para tiyaking hindi maulit ang pagtakas ng mga persons deprived of liberty (PDL).

Isa ito sa repormang iginiit ni Padilla sa patuloy na pagdinig ng Senado sa pagtakas ni Michael Catarroja na nagsabing wala siyang nakitang keeper sa kaniyang pag-eskapo sa Maximum Security.

“Siguro sa susunod magkaroon ng guideline na ganoon, kung kaya ng opisyal ang position. Parang doon nanggaling. Hindi ko kayo sinisisi, tapos na ang sisihan. Dapat ngayon na siguro in aid of legislation, kami ni Sen. Tolentino, pag-usapan namin kung paano hindi ito mangyayari uli,” ayon kay  Sen. Padilla.

Iyan ang naging suhestiyon ni Padilla matapos marinig ang salaysay ni Corrections Senior Inspector Purificacion Hari na halos maiyak nang ikuwento ang kaniyang karanasan sa pagbabantay sa mga preso.

“Nung nag-assume po ako as OIC ng Maximum,… So kinakausap ko lagi ang commander of guards,” ayon kay Corrections Senior Inspector Purificacion Hari.

Iminungkahi ni Sen. Padilla kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang, Jr. na ‘maglagay ka ng siga na commander of the guards’.

Ayon kay Hari, kulang ang tauhan niya nang naging pinuno siya ng mga guwardiya.

Dahil dito, aniya, kahit mga babae ay kailangang maging escort ng PDL.

Dagdag ni Hari, nagulat siya nang ginawa siyang commander of the guards.

Humanga si Padilla kay Hari dahil may command responsibility ito at ‘di gumagawa ng palusot.

Samantala, muli namang iginiit ni Padilla ang pagrespeto sa karapatan ng mga bilanggo na naaayon sa Nelson Mandela Rules ng United Nations.

Nanawagan din si Padilla na mapondohan ang pagpapatayo ng gusali sa Bilibid at maaprubahan ang panukalang batas para ma-regionalize ang Bilibid, para matugunan ang overcrowding doon.

Follow SMNI NEWS on Twitter