Sen. Robin, siningil ang LWUA para sa patubig sa Marawi

Sen. Robin, siningil ang LWUA para sa patubig sa Marawi

HINIHINGI ni Senador Robin Padilla sa Local Water Utilities Administration (LWUA) ang kanilang “palabra de honor” para sa ipinangakong tubig sa Marawi.

 “Hindi na po ako magtatanong. Para saan pa? Hinihingi ko na lang po ang inyong word of honor na next year, may tubig na po. Insha allah,” pahayag ni Sen. Padilla.

Alang-alang sa mga taga-Marawi, hiningan ni Sen. Padilla nitong Miyerkules ang “palabra de honor” ng LWUA na magkakaroon na ng sapat na tubig sa Marawi City sa darating na taon.

Bagama’t hindi na siya nagtanong pa sa budget ng LWUA para sa 2023, ipinaalala ni Padilla na kailangan ang sapat na tubig para makamit ang kapayapaan sa Marawi, na nilusob ng extremists noong 2017.

“Gusto ko lang pong sabihin sa inyo…. Kung gusto po natin talaga na makamit ang kapayapaan, tubig lang po,” dagdag pa ni Sen. Padilla.

Ayon sa LWUA, sa kabila ng problema sa procurement at site acquisitions, patuloy ang design at construction ng water treatment plant, reservoirs at pipeline; at site development work para sa water intake facilities.

Inaprubahan na rin ng Philippine Army ang Revised Site Development Plan para sa water treatment plant at reservoirs sa loob ng Army Camp; at hinihintay ang pag-apruba ng army sa Draft MOA.

Noong Oktubre, ikinagalit ni Padilla na hindi pa rin tapos ang pagtitiis ng mga taga-Marawi dahil sa kawalan ng tubig mahigit 5 taon matapos ang 2017 Marawi Siege, sa kabila ng bilyong-bilyong pisong budget na binigay ng gobyerno.

Sumang-ayon si Padilla sa obserbasyon ni Sen. Ronald dela Rosa na maaaring samantalahin ang sitwasyon ng mga “extremist” para galitin ang mga taga-Marawi at magkaroon ng “Marawi Siege Part 2.”

Tiniyak naman ni Sen. Mark Villar na “committed” sila na magkaroon ng tubig ang Marawi uli, at magbibigay ang LWUA ng update sa mga accomplishment sa Marawi City.

“Yes, Mr. President. Magbibigay po ng update ang … Kami po ay nakikiisa sa inyong layunin,” saad ni Sen. Mark Villar.

Samantala, nanawagan naman si Padilla noong Martes ng gabi sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking maayos ang daan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para matiyak ang kaunlaran sa rehiyon.

Lumahok si Padilla sa kauna-unahang Philippine Congress-Bangsamoro Parliament Forum, kung saan tinalakay ang mga panukalang batas para mabigyan ng kakayahan ang Bangsamoro government para siguraduhing hindi lamang ang sapat na pananalapi para sa programa nito, nguni’t pati ang tamang paggamit ng pondong ito.

Ani Padilla, bagama’t maganda ang mga daan sa Sultan Kudarat, napakasama ng kalsada sa Maguindanao.

Dagdag niya, lumapit na siya ng tulong kay Senador Alan Peter Cayetano at Sen. Bong Revilla, at kay DPWH Sec. Manuel Bonoan .

“Ang hiling ko po sana, kung talaga pong tayo ay susunod sa mga sinabi ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, ay pagtutulungan po natin. Pagtutulungan po natin na maayos ang kalsada sapagka’t ang kalsadang ayos, ibig sabihin maganda ang transportation. Kapag maganda ang transportation, ibig sabihin, magiging totoo lahat ng mga sinabi nating economic promises. Kaya mahal na Chairman at atin pong Ginoong Pangulo, hinihingi ko po sa ating DPWH na tulungan po ako, tulungan po akong maayos natin ang kalsada sa BARMM. At unahin po natin sana ang pagdugtong ng Sultan Kudarat pagpasok ng Maguindanao papunta ng Lanao sana maayos po natin, Insha Allah,” pagtatapos ni Padilla.

Tiniyak ni Sen. Sonny Angara na tutulong ang DPWH dito at ibinigay na ni Sec. Bonoan ang kanilang salita diyan.

Follow SMNI NEWS in Twitter