BUONG pagpapakumbabang ipinahatid ni Sen. Robin Padilla ang paghingi ng paumanhin kay Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. “Nancy” Binay sa IV drip issue sa kanyang tanggapan noong nakaraang linggo.
Sa liham kay Zubiri at Binay Lunes ng hapon, muling iginiit ni Padilla na labis niyang ikinabahala ang isyung kinabilangan ng kanyang maybahay na si Mariel Padilla.
Sa kanyang liham kay Binay, iginiit niya na “kailanman ay hindi nila sasadyain ang pagsasawalang-bahala sa dangal na sinisimbolo ng ating institusyon.”
Sinabi rin nya na makakaasa si Sen. Binay, chairman ng Senate Ethics and Privileges Committee, na lagi na silang tatalima sa mga alituntunin ng Mataas na Kapulungan.