TULOY ang mga pagdinig at higit dito ang pagdedebate sa mga panukala para baguhin ang Saligang Batas, kahit hindi ito magiging prayoridad ng Senado sa ngayon.
Iginiit ito ni Sen. Robin Padilla matapos sabihin ni Senate President Francis Escudero na sa “backburner” muna ang mga panukala sa “Cha-cha”.
“Gusto ko lang magkaroon ng debate kasi ‘yan ang papel ng Kongreso, pagdebatehan ang mga bagay. ‘Pag hinaharang ako ‘yan ang masakit. Siya naman nagsabi kanina ok siya sa debate,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
“Para sa akin, ang pinakamagandang sinabi ni SP kanina, ‘yung gusto niyang makarinig ng debate. Para sa akin ‘yan ang pinakamatamis. Maganda ang sinabi niya na open siya sa debate,” dagdag niya.
Ani Padilla, tuloy ang mga pagdinig ng kaniyang komite sa mga panukalang babaguhin ang probisyon sa Saligang Batas.
Dagdag niya, umaasa itong makarating sa plenaryo ang committee report na galing sa mga pagdinig ng kaniyang komite.
“Tama ang panahon para pag-usapan natin ang Konstitusyon. Ito ‘yan,” aniya.