Sen. Ronald dela Rosa, naniniwalang totoo ang PDEA leaked documents vs PBBM matapos maimbestigahan sa Senado

Sen. Ronald dela Rosa, naniniwalang totoo ang PDEA leaked documents vs PBBM matapos maimbestigahan sa Senado

NAG-umpisa ang bakbakan sa Senado sa isyu kung totoo nga bang gumagamit ng ilegal na droga si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos mag-viral sa social media ang ilang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) documents na nagsasabing naging target noon ng isang anti-drug operation si noo’y Senador at ngayo’y Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

Napilitang lumitaw sa Senado si dating PDEA agent Jonathan Morales dahil siya ang pumirma sa pre-operations report.

Nanindigan naman si Morales na totoo ang operasyon at siya ang tumipa ng pre-ops batay sa salaysay ng isang confidential informant na itinuturo si Pangulong Marcos at ang artistang si Maricel Soriano na umano’y gumagamit ng white powdery substance.

Pinubalaanan ng PDEA ang mga dokumento at iginiit na wala ito sa kanilang database.

Pero ayon kay Morales, hindi natuloy ang operasyon laban kay Marcos at iba pang mga kasabwat kaya hindi na ito napasok sa Plans and Operations Reports Management Information System (PORMIS) ng PDEA.

Nauna nang pinag-ingat ng PDEA ang publiko sa paglaganap ng mga pekeng dokumento gamit ang artificial intelligence (AI).

Subalit para sa chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na si Sen. Ronald dela Rosa, hindi AI-generated ang mga kumalat na dokumento.

“Sasabihin ko talaga! Naka-conclude talaga ako right away na totoo itong papel na ito, nangyari ito dahil aside from the claim of Morales na siya ang gumawa noong papel na ‘yan, siya ang pumirma—signature niya ‘yun at lahat ng mga vehicles na nakalagay doon sa pre-operations ay inamin na rin ng PDEA na organic vehicle nila ‘yung mga sasakyan na ‘yan at sasakyan noong team leader ni… personel vehicle ng team leader ni Morales… So, klaro kaayo. So aside from that, nakikita ko pa, nakita ko na kung claim nila na AI Generated o gawa-gawa lang sa computer ‘yung papel na ‘yan, I would disagree kasi nakita ko yung soft copy na ‘yun kung may nakalagay doon na tatak na confidential nakita ko doon sa letter C at letter A… Yung markings ng butas ng puncher, ‘yung magbutas ka ng puncher para ipasok mo yung fastener yung dokumento ‘yung papel. May mga butas eh? May mga butas, ibig sabihin old files ito—somebody’s keeping these old files,” ayon kay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Chairman, Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Duda rin si Dela Rosa sa testimonya ng immediate boss ni Morales sa Intelligence and Investigation Service (ISS) na si Director Martin Francia.

Sabi kasi ni Morales, nag-usap sila ni Francia bago ang senate hearing bagay na itinatanggi ng dating hepe ng ISS.

“Tinanong ko kahapon, lumalabas na may tinatago itong tao na ito. At ito’y madiskubre natin ngayon kung lalabas ‘yung inimbitahan ‘yung isa pang former PDEA employee,” ani Dela Rosa.

May nanumpa namang 8 taga-PDEA sa pagdinig at pinabulaanan ang sinasabing report ni Morales laban sa Pangulo.

Pero nang tanungin kung naroon ba sila sa PDEA nang kausapin ni Morales ang kaniyang confidential informant ay wala umano doon ang walo.

“Andoon ba kayo noong insidente na ‘yun. Sabi nila lahat sila walo wala Sir. Hindi kami nandoon Sir dahil Sabado ‘yun. So, anong implication ngayon ng denial ninyo? Paano kayo nakapag-deny? Wala pala kayo doon sa PDEA noong araw na ‘yon eh. Bakit kayo nag-dedeny na hindi nangyari. So ‘yun palang kwestyunable na yung kanilang inexecute na affidavit,” ani pa ni Bato.

Sen. Dela Rosa, nanindigang ‘impartial’ bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs

Samantala, maraming netizens ang nakulangan sa pag-hawak ni Sen. dela Rosa sa pagdinig.

Subalit, nanindigan ang senador na bilang chairman ng komite, mananatili siyang impartial at pakikinggan ang lahat ng panig.

Bagay na siyang pinakapaksa sa pagsasagawa ng pagdinig.

 “Some people are out for blood Sir, gusto nila kaagad na i-persecute ko ang Presidente agad-agad without the benefit of hearing,” saad ni Sen. Bato.

“Hindi rin maganda ang proseso kapag ganun ang mangyari. Kaya nga tayo nag-conduct ng hearing to get to the bottom of it. Makuha po natin ang katotohanan,” dagdag pa nito.

Tatalakayin ulit ang isyu sa Senado sa susunod na linggo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble