NILINAW ni Sen. Francis Tolentino, araw ng Martes ang dahilan sa kaniyang pagbibitiw bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon sa mambabatas, ito ay para maging tapat sa kaniyang kasunduan sa liderato ng Senado na mananatili lamang siya sa posisyon sa loob ng isa at kalahating taon. Bukod sa Blue Ribbon ay sinabi rin ni Sen. Tol na magbibitiw na rin siya bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA).
Ang kaniyang pagbibitiw sa kinokonsiderang dalawang makapangyarihan komite sa Senado ay alinsunod na rin aniya sa matinding pangangailangan na tutukan ang Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones kung saan siya rin ang chairman.
Bukod dito ay nananatili pa rin bilang chairman si Tol ng Senate Committee on Justice and Human Rights.