IMINUNGKAHI ni Senator Raffy Tulfo ang total deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait kasunod ng napaulat na pagpatay sa domestic helper na si Jullebee Ranara.
Ang diumano’y sunog na katawan ni Ranara ay naiulat na natagpuan sa isang disyerto sa Salmi, Al-Jahra Governorate.
‘’Ang aking agad na suggestion is to send a very strong message which is total deployment ban, and after the deployment ban that is the time that we can sit down with them,’’ ayon kay Sen. Tulfo.
Ani Tulfo, dapat mauna ang employment ban bago ang planong bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Sa nasabing bilateral talks, dapat ay masunod din ang mga ibibigay nating mga kundisyon.
Kabilang sa mga kundisyon na binanggit ni Tulfo ay ang paglalagay ng mahigpit na proseso ng screening at psychiatric exam para sa mga employers sa mga high-risk na bansa, gayundin sa mga kasama nila sa bahay.
‘’Matagal ko nang sinsasabi to bago ma deploy ang ating OFW sa ibang bansa tulad ng Kuwait ay katakot takot na screening ang ginagawa police clearance, NBI clearance, PDos. Pero pagdating dun sa employer eh walang guarantee na ang employer na ito ay malinis at matino. Na mentally stable sila. Dapat yun, yung mga employer well screened din. Magpakita sila ng mga patunay na sila ay malinis ang kanilang record, mayroon silang police record. And then ito pa ang gusto ko I suggest is ang lahat ng employers is, from high-risk countries, is they have to submit a document na pumasa sila sa neuropsychiatric exam,’’ saad nito.
Napag-alaman na habang maayos umano ang pakikitungo kay Ranara ng kanyang mga amo, ay minaltrato naman siya ng 17-taong-gulang na anak nito, na ngayon ay nasa kustodiya na diumano ng mga awtoridad.
Bilang panimula, sinabi ni Tulfo na dapat ay unti-unti ng i-pull out ng gobyerno ang mga OFWs sa Kuwait at ipadala sa ibang lugar o bansa, tulad ng Guam, kung saan sila ay maitatrato ng maayos.
Ang Guam ay isang new market para sa mga OFWs at kasalukuyan itong nangangailangan ng libu-libong skilled workers.
Bukod sa Guam, maaari ding ikonsidera ng gobyerno ang pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait para magtrabaho sa iba pang ligtas na lugar, kabilang ang Romania, Austria at HongKong.
Sinabi din Tulfo na ang gobyerno ng Kuwait government ay dapat mag-isyu ng public apology sa mga Pilipino dahil sa mga namatay na OFWs sa bansang ito.
Hindi si Ranara ang unang OFW na pinatay sa Kuwait. Nauna nang nagpataw ang Pilipinas ng labor deployment ban sa Kuwait matapos ang di makatarungang pagkamatay ng ilang Filipino domestic workers dito. Kalaunan ay nalift din ang nasabing ban.
Kamakailan lang ay ipinadala ni Tulfo ang kanyang mga staff upang magbigay ng paunang tulong sa pamilya ni Ranara.