NAKIPAGPULONG si Senator ‘Idol’ Raffy Tulfo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Malacañang kahapon, May 15.
Ito ay para ilatag ang energy security ng bansa partikular na ang energy grid systems operator o ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ang 40% ng ownership ng NGCP ay pag-aari ng State Grid of China at 60% ay Filipino.
“Nagdudulot ito ng seryosong banta sa ating national security kung iisipin natin ang nagaganap ngayon na sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa West Philippine Sea,” ani Tulfo.
Kaya iminungkahi niya kay Pangulong Marcos na ibalik sa National Transmission Corporation (TransCo), isang government entity, ang systems operation ng transmission grid ng bansa at maiiwan na lang ang maintenance sa NGCP.
Sinabi ni Tulfo na may intel report na nagsasabing may kapabilidad ang China para ma-access remotely ang ating national grid at isabutahe ito.
Katunayan, sa planta ng NGCP, lahat ng nakapaskil na instructions patungkol sa operations ng mga sensitibong equipment, maging ang mga manuals nito, ay nakasulat sa Chinese characters at walang Filipino technician ang nakakaintindi at nakakaalam kung paano i-operate ang mga ito.
Bukod pa rito, ipinarating din ni Sen. Tulfo ang samu’t saring violations ng NGCP sa kanilang franchise contract, gaya ng hindi pagsunod sa timely development and connectivity sa main grid ng mga energy power sa iba’t ibang probinsiya.
Sinabi rin ni Tulfo na ang mga ito ay sapat nang dahilan para kanselahin ng gobyerno ang kanilang prangkisa.