Sen. Tulfo nanlumo sa kalunos-lunos na sitwasyon ng Children’s Hospital, sinulong ang dagdag-budget para dito

Sen. Tulfo nanlumo sa kalunos-lunos na sitwasyon ng Children’s Hospital, sinulong ang dagdag-budget para dito

ISINUSULONG ni Senador Idol Raffy Tulfo ang karagdagang budget para sa National Children’s Hospital (NCH) na isang ospital para sa mga bata na nagmula sa pinakamahihirap na pamilya na hindi umano nakatatanggap ng sapat na suporta mula sa gobyerno.

Sa kanyang privilege speech noong Lunes, Nobyembre 21, ibinunyag ni Tulfo ang nakakapanlumong sitwasyon sa ospital, tulad ng kakulangan nito sa manpower, below industry standard facilities, at luma o kulang na kagamitan.

Hinimok din niya ang Department of Health (DOH), Department of Budget and Management (DBM) at ang kanyang mga kapwa senador na personal na bisitahin ang ospital upang masaksihan mismo ang mga problema nito.

“Mr. President, the National Children’s Hospital, a health facility for the poorest and weakest, is in dire need of our help.  Kung paano naghihingalo ang mga pasyente doon, gayun din ang paghihingalo ng pasilidad at sitwasyon ng National Children’s Hospital,” ani Tulfo.

“I invite you to visit this hospital para makita niyo kung gaano kalunus-lunos ang kalagayan ng mga pasyente doon. Nang makausap ko sila, wala daw pong bumibisita sa kanila na mga opisyal ng gobyerno. There is something wrong in the way they are treated and how the government handles them. They are not getting the help they must receive,” dagdag niya.

Sa paghingi ng karagdagang budget para sa NCH, sinabi ni Tulfo na maaaring kumuha mula sa mga underperforming na mga ahensya ng gobyerno.

Dismayado si Tulfo dahil hindi bumuti ang sitwasyon sa NCH sa paglipas ng mga taon, at sa katunayan ay lumala pa.

Sa kanyang pagbisita kamakailan sa nasabing ospital, ibinahagi ni Tulfo na nakita niya sa mga mukha ng bata at kanilang mga magulang ang paghihirap at kalungkutan habang nakapila sa masikip, at mainit na pasilyo ng ospital na nagpadagdag lamang sa kanilang paghihirap.

Naalala pa ni Tulfo na nakita niya ang isang anim na taong gulang na batang lalaki na may stage 4 liver cancer na nahihirapang huminga kahit na mayroon na itong oxygen tank na tumutulong sa kanya.

Ayon kay Tulfo, hindi na kaya ng NCH ang bilang ng mga pasyenteng pumupunta dito.

Sinabi niya na mayroong tatlong taong paghihintay para sa mga therapies na kailangan ng mga pasyente, tulad ng PT, OT, at speech therapy.

Sinabi ni Tulfo na sira-sira din ang gusali ng ospital.

“May basag na bintana at plywood ang ipinangtatakip dito. There are not enough electric fans and no proper ventilation, and the windows have to be opened for fresh air. Sinabitan ng manipis na kurtina ang bintana marahil upang di makapasok ang mga lamok at alikabok!” paglalarawan ni Tulfo.

Napansin din diumano ng mambabatas ang tila mga mantsa sa kisame o bakas na nababasa ito ng tubig dahil pinapasok ang bubong ng tubig tuwing umuulan.

Nagprivilege speech si Tulfo kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.

 

Follow SMNI News on Twitter