Sen. Tulfo, sinusulong na madagdagan ang 2023 budget ng Hudikatura

Sen. Tulfo, sinusulong na madagdagan ang 2023 budget ng Hudikatura

SINUSULONG ni Senator Idol Raffy Tulfo na dagdagan ang pondo ng Hudikatura sa 2023 national budget upang makatulong sa modernisasyon at digitalisasyon nito.

Kinwestiyon ni Sen. Idol ang malaking binawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa inirerekomendang budget ng Hudikatura.

“Allow me to quote former President Ramon Magsaysay Jr. when he said ‘He who has less in life, should have more in law,’ na ang ibig sabihin ay madalas naaapi ang mga walang-wala nating mga kababayan, madalas natatapakan ang kanilang mga karapatan at sa batas na lamang sila nakakakuha ng patas na pagtrato,” ani Tulfo.

“Nakita ko po ang sorry state ng ating Judiciary, lalo na sa mga korte. Kadalasan, dalawa hanggang tatlong judges ang umuokopa sa iisang korte kaya tumatagal ang paglilitis sa mga kaso,” dagdag niya.

Bilang broadcaster sa loob ng higit dalawang dekada na sinasamahan ang ibang complainants sa korte, sinabi ni Tulfo na naobserbahan niya na karamihan sa mga korte ay nagmumukhang mga bodega na tambakan ng mga papeles at dokumento.

 “Noong isang beses na sumama ako sa isang complainant, naglalagay pa po ng timba doon sa korte dahil tumutulo po sa bubong yung tubig ulan,” ani Tulfo.

Ang P52.72 bilyong alokasyon para sa Hudikatura sa 2023, na inaprubahan ng DBM, ay 29% na mas mababa kaysa sa inirekomenda nitong budget na P74.18 bilyon. Binawasan din ng DBM ang hinihiling na budget ng Hudikatura sa 22% at 33% noong 2021 at 2022.

Sa hiwalay na pahayag na inilabas niya matapos ang pagdinig ng komite, iginiit ni Tulfo na bukod sa kakulangan sa bilang ng mga hukuman, may kakulangan din sa mga hukom sa bansa, na nagpapalala sa mabagal na sistema ng hustisya sa Pilipinas.

Ayon sa datos, bawat hukom sa Lower Courts ng bansa ay humahawak ng hanggang 644 na kaso bawat taon. Ito ay higit na mataas kung ihahambing sa mga korte sa USA, tulad ng Washington, DC kung saan ang mga hukom ay humahawak lamang ng 171 kaso taun-taon.

“Ang resulta ng kakulangan sa judges ay ang mabagal na paggulong ng hustisya sa bansa, at ang tinatamaan at nahihirapan ay ang mga mahihirap nating kababayan na nasa City Jail na nag-aantay na malitis ang kaso dahil wala silang perang pampiyansa,” ani Tulfo.

 “Ang mga mahihirap na Pilipino ay kadalasan nabubulok na lamang sa bilangguan. Paano pa kung wala silang kasalanan at napagbintangan lamang? Sila ay nagdurusa ng walang kalaban-laban, hindi katulad ng mga mayayaman na mayroong pampiyansa, at kung tutuusin ay pabor sa kanila na ma-delay ang paglilitis ng kaso,” dagdag niya.

Sa kabila nitong lahat, hinamon ni Tulfo ang DBM na personal na bisitahin ang mga korte sa bansa upang masaksihan mismo nila ang kalunos-lunos na kalagayan nito.

Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na palakasin ang Hudikatura, naghain si Tulfo ng Senate Bill (SB) No. 214 nitong 19th Congress na naglalayong imodernisa ang Hudikatura.

Follow SMNI NEWS in Twitter