Sen. Win Gatchalian nanawagan sa mga LGU na paghandaan ang ‘The Big One’

Sen. Win Gatchalian nanawagan sa mga LGU na paghandaan ang ‘The Big One’

NANAWAGAN si Sen. Win Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na paigtingin ang kanilang kahandaan sa posibleng pagtama ng isang malakas na lindol, kasunod ng mapaminsalang pagyanig sa Myanmar at Thailand.

Ayon kay Gatchalian, dapat itong magsilbing babala sa Pilipinas na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire, isang rehiyon na madalas makaranas ng paglindol at pagsabog ng bulkan.

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat maging kampante ang bansa pagdating sa paghahanda sa tinaguriang ‘Big One’—isang napakalakas na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

“Dapat ay ganap na may kakayahan at kagamitan ang mga LGU upang agad na makatugon sa anumang sakuna, lalo na ang lindol. Bilang mga frontliners, kailangang may nakatakdang mga evacuation area at mga bihasang emergency response teams na may kasanayan sa pagsagip at pagbibigay ng medikal na tulong,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, dapat tiyakin ng mga lokal na pamahalaan na may sapat silang kagamitan at pondo upang mabilis na makaresponde sa panahon ng sakuna.

“Importante na may kakayahan, mga gamit, at pondo ang mga LGU para rumesponde sa mga kalamidad. Hindi lang ito responsibilidad ng gobyerno—tayo mismo ay dapat handa at may alam para agad tayong makakilos sa panahon ng pangangailangan!” diin ng senador.

Patuloy ang panawagan ng senador na bigyang-pansin ang paghahanda sa mga posibleng sakuna upang maiwasan ang malawakang pinsala at pagkawala ng buhay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble