PABOR si Senator Sherwin Win Gatchalian sa isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na House Bill 6398 o ang Maharlika Investments Fund (MIF) Act.
Layunin ng naturang batas na gamitin ang pondo ng government financial institution at ipuhunan upang kumita ng malaki sa halip na nakatengga at hindi nagagamit ang pondo.
Ayon kay Sen. Gatchalian, kung hindi magagamit ang pondo tulad ng sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay kikita lamang ito ng wala pa sa 3% subalit kung i-invest ito ay tiyak tutubo ng malaki.
“Sa pagkakaalam ko matagal na itong proposal… Para yung pondo na hindi natin nagagamit at mailaan sa ibang projects at kumita ng malaki,” ani Sen. Win Gatchalian.
Subalit dapat aniya na tiyakin na gamitin ang pera sa safe na investment at mapunta at transparent sa publiko.
Upang hindi mahaluan ng kurapsyon tulad ng nangyari sa Malaysia iginiit ni Gatchalian na dapat ang unang pag-aralan dito ang professional management, check and balance at disclosure.
Sa kabila ng kaliwat kanan na isyu ng kurapsyon sa bansa na kinasangkutan ng ilang opisyal ng pamahalaan, naniniwala si Gatchalian na handa na tayo na pumasok sa ganitong uri ng sistema sa pag-invest ng nakatenggang pondo ng gobyerno.
“Kailangan professionally managed ang fund na ito…. So important na transparent kung saan napupunta ang pera,” dagdag pa ni Sen. Gatchalian.
Sa ilalim ng House Bill 6398, ang initial investment na P250 billion ay mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines (DBP), maging ang P25 billion dito ay magmumula sa national government.
Ang annual contribution para dito ay magmumula sa DBP at national budget.
Nangangamba naman ang ilan na sakaling malagay sa maling investment ang pera, malalagay sa alanganin ang pension ng mga manggagawa at mga kawani ng gobyerno.