Sen. Zubiri, sinagot ang mga paratang na kumakalat sa social media; Kakasuhan ang mga nagpapakalat ng fake news

Sen. Zubiri, sinagot ang mga paratang na kumakalat sa social media; Kakasuhan ang mga nagpapakalat ng fake news

NAGSALITA na si dating Senate President Migz Zubiri patungkol sa mga paratang na kumakalat ngayon sa social media kaugnay sa kaniya.

Sa video na kalat na sa iba’t ibang social media platforms ay sinasabi na namili umano ng bahay si Zubiri sa Forbes Park, kasama ang private airplanes, jets, at helicopters.

Namakyaw rin umano siya ng beach resort sa Camiguin gamit ang pera ng taumbayan.

“They came out with a first set of videos two months ago, on the first attempt to unseat me. When that failed, they produced a part two video, which was released during the week of the second attempt. The timing is impeccable,” pahayag ni dating Senate President Migz Zubiri.

Ayon kay Zubiri, ang mga ito ay puro black propaganda lamang na ang layunin ay dungisan ang kaniyang reputasyon kasabay ng kangyang pagbaba sa puwesto bilang senate president.

Depensa ng senador, wala siyang pag-aari sa Forbes Park. Noong 2009 pa aniya nabili ang kaniyang tinitirhan ngayon at nakasaad naman ito sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Sa isyu naman ng pribadong mga eroplano, ipinaliwanag niya na nanghihiram lamang siya para magampanan ang mga obligasyon noong panahon niya bilang Pangulo ng Senado, at lalo kung masikip ang schedule.

Inamin naman ng senador na may ipinatatayo siyang beach resort sa Camiguin pero hindi aniya ito nakatago dahil nakapaloob din ito sa kaniyang SALN.

Kaugnay rito ay may babala naman ang senador sa mga nagpapakalat ng fake news. Nakahanda umano siyang magsampa ng Cyber Libel Case at hindi rin siya hihinto hanggat ‘di makakamit ang hustisya.

“So, to whoever’s spreading these lies to make it look like I’m pocketing government money to buy mansions and jets, these are totally false. I hope they’re ready because I will be filing cases and will not stop until justice prevails,” dagdag ni Zubiri.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble