PATULOY na pinaplantsa ngayon ng Senado ang committee chairmanships sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Araw ng Lunes ay dalawang beses na nagkaroon ng pagpupulong ang mga senador na pinangunahan ni Senador Juan Miguel Zubiri, ang napipisil na Senate President ng 19th Congress.
Sa Facebook post ni Senador Bato dela Rosa, ibinahagi nito na nagkaroon ng lunch meeting si Zubiri sa “Mama Bear” bloc na kinabibilangan nina Sen. Ronald Bato dela Rosa, Sen. Cynthia Villar, Sen. Francis Tolentino, Sen. Imee Marcos, Sen. Mark Villar, Sen. Robin Padilla, at Senador Christopher “Bong” Go.
Sa pangalawang batch naman na nakipagpulong kay Zubiri ay sina Sen. Sonny Angara, Sen. Win Gatchalian, Sen. JV Ejercito, Sen. Nancy Binay, Sen. Loren Legarda, Sen. Lito Lapid, Sen. Chiz Escudero, Sen. Jinggoy Estrada, dumalo rin ulit sina Padilla at Go.
Ang mga nabanggit na senador ay bahagi ng “supermajority bloc” na binubuo ni Zubiri.
Ayon kay Zubiri pangunahin nilang natalakay ay ang magiging takbo ng Senado sa 19th Congress.
“Committee chairmanships lang and vice chairmanships, ‘yan ang mga pinag-usapan namin nung gabi. pinaplantsa lang namin ang chairmanships ng ating mga kasamahan. Kasi may mga committee pa na hindi nabibigyan ng chairman,” ayon kay Zubiri.
Samantala sa isang dokumentong inilahad ni Senador Zubiri, 19 na senador na miyembro ng supermajority ang tiyak na mayroon ng committee chairmanship.
4 ang napunta kay Senador Imee Marcos, 3 kay Senador Francis Tolentino, tig-dadalawang committee chairmanship naman sina Senador Joel Villanueva, Angara, Binay, Dela Rosa, Ejercito, Gatchalian, Go, Padilla, Poe, Revilla, Tulfo, Cynthia at Mark Villar.
Tig-iisa naman sina Senador Legarda, Escudero at Lapid.
Para naman sa mga posibleng miyembro ng minorya ay tig-iisa ang natanggap ni Senador Risa Hontiveros at Pia Cayetano.
Habang wala pang napupunta kina Sen. Alan Cayetano at Koko Pimentel ayon sa dokumento.
Sa kabila nito ay nilinaw naman ni Zubiri na mayroon pang mga Committee Chairmanships ang hindi pa naipapamahagi.
Hindi pa rin naisasapinal kung sino-sino ang uupo sa makapangyarihang Commission on Appointments at Senate Electoral Tribunal.
Sa kabila ng ipinakitang listahan ay nilinaw ni Zubiri na hindi pa ito pinal sapagkat ang lahat ng Senate committee chairmanships ay dadaan sa botohan ng mga mambabatas.
“Yung assignment of positions it’s not about what you want but what the body wants. Kasi elected naman yan sila eh. All Senate chairman will be elected on the floor. Lahat ‘yan sila ay ihahalal ng bawat miyembro. Eh kung may ilalagay ako na chairman diyan eh ayaw naman ng grupo ay hindi rin magiging chairman ng committee,” paliwanag ni Zubiri.
Ngayong buwan bago ang State of the Nation Address ng Pangulo ay sinabi ni Zubiri na muli niyang pupulungin ang supermajority ng Senado upang isapinal ang committee chairmanships.