INIHAIN kamakailan ni Senator Koko Pimentel ang resolusyon para ikasa ang imbestigasyon hinggil sa hindi pa nababayarang estate tax ng namayapang dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr.
Ang sabi, nasa mahigit dalawang daang bilyong piso ang halaga ng estate tax ni Marcos.
Sinabi ni Senate President Tito Sotto III na ang Blue Ribbon, Finance Committee ang maaring magsagawa ng pagdinig hinggil dito.
Maari rin daw kahit anong komite basta mayroon itong pending na resolusyon o panukala na may kinalaman sa buwis.
“They can convene in a matter of three or four days from now. Kung gusto talaga,” ayon kay Sotto.
Pero si Presidential Candidate Sen. Panfilo Lacson una nagpasabi na mag-iinhibit ito sakaling magkaroon ng Senate hearing laban sa mga Marcos.
“Kasi yong involve doon sa issue na yon, presidential candidate. So this early, sasabihin ko mag-iinhibit ako from attending kung ano man yong hearing,” ani Lacson.
Sa kabilang banda, naniniwala naman ang isang political analyst na hindi ang Senado ang tamang venue para pag-usapan ang estate tax ni Marcos.
Ayon kay Professor Anna Malindog Uy, hindi dapat gamitin ang institusyon para atakehin ang isang kandidato.
Sinabi pa nito na wala ring patutunguhan ang pagdinig dahil sa marami pang nakakabit na issue sa naturang estate tax.
“Ano naman ang makukuha nila diyan? Malinaw naman na disputed pa ang issue na yan. Kasi marami pang litigation cases. Marami pang hindi nalilinaw diyan,” ayon kay Malindog-Uy.
Dagdag pa ni Malindog, mismong ang taumbayan ang hindi matutuwa sakali magkaroon ng hearing ang mga senador laban sa mga Marcos.