NANGANGANIB ngayon na maging ilegal ang hanapbuhay ng 60,000 drivers at operators ng motorcycle taxis.
Ito ang mga gumagamit ng motorcycle ride hailing app na Angkas, Joyride, at Move-It na kontrolado ng Grab.
Sa isang interview, binigyang diin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na ang operasyon ng motorcycle taxis ay pansamantala lamang.
Paliwanag niya, ang operasyon ng mga ito ay nakabatay sa isang pilot study na pinangungunahan ng 19th Congress.
Sa legislative calendar ng 19th Congress, nakatakdang magkaroon ng session break sa Pebrero 8 at sa unang araw ng Hunyo pa ang balik.
‘’Kailangan po nilang maipasa ang batas kasi ito pong motorcycle taxi is a pilot study. They owe their legal existence to the existence of the 19th Congress. ‘Pag mag-bow out si 19th Congress at wala hong naipasang batas, mawawalan ng saysay itong motorcycle taxi. Magiging ilegal na naman po sila,’’ ayon kay Atty. Teofilo Guadiz III.
Ayon kay Guadiz, malaki ang kontribusyon ng mga motorcycle taxi sa ekonomiya.
Bukod sa malakas ang kita rito na aniya’y umaabot ng isa hanggang dalawang libo kada araw ay nagsisilbi rin itong alternatibong pamamaraan ng transportasyon.
‘’Hindi po perpekto ang transport system natin ngayon. Kung minsan po ay kinakapos ng jeep. Kung minsan po ay kinakapos ng bus. In between ho, who fills in the gap, ‘pag kinulang si bus at jeep? Ito pong si motorcycle taxis,’’ saad nito.
Batay sa datos ng LTFRB, nasa 45 libo ang operator driver ng motorcycle taxi sa Metro Manila habang 15 libo naman sa iba’t ibang lugar sa bansa.