ISINAGAWA ng Senado ang topping-off ceremony para sa New Senate Building (NSB) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang seremonya sa araw ng Huwebes ay pinangunahan nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Loren Legarda, Joel Villanueva, Nancy Binay, Cynthia Villar, JV Ejercito, Ronald dela Rosa, at Christopher “Bong” Go. Kasama rin sina dating Senate President Tito Sotto at dating Senator Ralph Recto.
Naroon din sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, Bases Conversion and Development Authority chairman Delfin Lorenzana, at Taguig Mayor Lani Cayetano.
“May instruction kasi si Senate President Zubiri to conduct the opening of Session next year sa bagong Senado,” ayon kay Sen. Nancy Binay.
Sinabi ni Binay na sa topping-off, target ng Senado na magbukas para sa partial operations sa Hulyo 2024.
“Ang topping-off ay isang tradisyon na ginagawa para gunitain ang pagkumpleto sa structural frame ng isang gusali sa pamamagitan ng pagkabit ng huling structural beam nito,” dagdag ni Sen. Binay.
Ang NSB ay naglalayon na maging isa sa mga unang pasilidad ng gobyerno na sertipikado bilang Green Building sa ilalim ng Building for Ecologically Responsive Design Excellence (BERDE) program.
“In the face of climate change the government should walk the talk in promoting the use of sustainable structures,” saad ni Sen. Binay.
Ang NSB ay may sustainable features tulad ng energy-efficient system, water conservation measures, at paggamit ng eco-friendly na materyales.
Kumokonsumo rin ito ng 30-50 porsiyentong mas kaunting enerhiya kaysa sa karaniwang mga gusali.
Ang pagtatayo rito ay inaprubahan noong 17th Congress taong 2017 matapos nanawagan si dating Sen. Ping Lacson, ang noo’y tagapangulo ng Committee on Accounts, para sa pangangailangang lumipat sa isang bagong site dahil sa pagtaas ng mga limitasyon sa espasyo at ang pangangailangan para sa pinahusay na pasilidad.
Follow SMNI NEWS on Twitter