KAILANGANG alamin muna kung ano ang dahilan sa nangyayaring kakulangan ng kuryente sa bansa bago gumawa ng anumang hakbang.
Ito ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa kaniyang programa sa SMNI News.
Ito’y kasunod ng isinagawang imbestigasyon ng Senado sa kasalukuyang nararanasang kakulangan ng kuryente, kung saan iminungkahi na dapat nang i-take-over ng pamahalaan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang pribadong kompanya at nag-iisang power grid operator ng bansa.
Kaugnay naman sa paghayag ng pagkabahala ng ilang senador hinggil sa 40% na shares ng Chinese sa NGCP, ipinunto ni Enrile na kailangan ng bansa ng kapital at anumang oras ay maaaring i-take over ng pamahalaan ang anumang pasilidad ng bansa.
Nilinaw rin ni Enrile na pro-Pilipino siya at hindi pro-Chinese o pro-American.
Binigyang-diin pa ni Enrile na maliban lang kung may matibay na ebidensiya laban sa NGCP, mas mainam kung titingnan pa ang ibang salik dahil baka inililihis lang ang Senado sa tunay na problema.