WALANG mangyayaring ceasefire sa pagitan ng Senado at Kamara kaugnay sa kontrobersiyal na People’s Initiative.
kahit pinatitigil na ng Kamara ay asahan na magtutuloutuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado kontra sa PI.
“Sabi nila walang paki ang Senado eh bakit nanghihimasok sa ating imbestigasyon kung naumpisahan na at maliwanag naman ano ba ang problema?” ayon kay Sen. Imee Marcos, Chair, Committee on Electoral Reforms and People’s Participation.
Hindi aatras ang Senado sa ginagawa nitong pag-iimbestiga sa mga iregularidad na bumabalot sa kontrobersyal na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Sen. Imee Marcos na hangga’t hindi na napapatunayang patay na PI ay magtutuluy-tuloy ang pagbusisi nila sa naturang inisyatibo.
Ito nga’y kahit pa nananawagan ng ceasefire ang Kamara para maaprubahan na ang Resolution of Both Houses Number 6 na nagsusulong ng pagbabago sa ilang economic provision ng Saligang Batas.
“Parang ‘di pa kasi maliwanag na wala nang PI dahil sabi ni Pangulo dun sa interview sa Vietnam pinagaaralan pa. Hindi pa maliwanag na patay na ang PI, so tuluy-tuloy lang ang investigation,” dagdag ni Sen. Imee.
Sa ginanap ngang imbestigasyon ng komite ni Sen. Imee sa Senado kahapon patungkol sa PI, napatunayang may kinalaman talaga si Speaker Martin Romualdez dito.
Sinabi rin ng Commission on Elections (COMELEC) na ang mga nakalap na pirma ay valid sa kabila ng pasuspinde sa kahit na anumang aksyon na may kinalaman sa PI.
“Walang expiry date so ibig sabihin pag dinissisyon nila na sa 2025 pwede na namang gamitin ang mga pirma… Tama ba yun?” ani Imee.
Sa kabila nito ay nilinaw ng senadora na hindi sila tutol sa Charter Change (Cha-Cha) basta’t ‘wag lang ito idaan sa isang pekeng pamamaraan.