Senator Jinggoy, may babala sa isinusulong na rightsizing sa pamahalaan

Senator Jinggoy, may babala sa isinusulong na rightsizing sa pamahalaan

NAGHAYAG ng pangamba si Senator Jinggoy Estrada sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na rightsizing sa pamahalaan o pagbabawas ng mga ahensiya na magkakahalintulad ng operasyon.

Bagama’t aminado na makatitipid nga ang pamahalaan ay nababahala si Senator Jinggoy dahil mahigit sa 2 milyon kawani sa pamahalaan ang posibleng mawawalan ng trabaho dito.

“You know my campaign promise during the campaign period was to provide jobs for our people and if you remove jobs to approximately two million people who will be affected because of this rightsizing, this has to be deliberated upon extensively. I really have a lot of concern,” pahayag ng senador.

Ipinunto pa ng senador ang naging payo ng kaniyang ama na si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na huwag hayaan na mawalan ng trabaho ang mga kawani ng gobyerno na kanyang nasasakupan.

Naniniwala ang dating presidente na maaring makagawa ng masama kapag nawalan ng trabaho para lamang makaraos sa araw araw.

“Sa’n mapupunta ‘yung dalawang milyong Pilipinong maaapektuhan? Sabi nga ng tatay ko, ‘A hungry stomach knows no law.’ Kapag wala nang makain ‘yan, magiging kriminal na ‘yang mga ‘yan,” ani Senator Jinggoy.

Subalit iginiit ni Jinggoy na kung ililipat lamang sa ilang ahensiya ng pamahalaan ang mga tatamaan ng rightsizing at hindi na tatanggap ng mga bagong kawani para hindi mawalan ng trabaho ang mga kasalukuyang empleyado ng gobyerno, maaring magbago pa ang kanyang isip na suportahan ito.

Iginiit din ni Estrada sa pamahalaan na huwag agad basta basta na tanggalin ang mga empleyado ng gobyerno na tatamaan ng rightsizing hangga’t walang malilipatan na departamento.

Sa kabila nito aminado naman si Jinggoy na magkakaroon ng skills mismatch sa paglipat ng mga kawani sa rightsizing dahil iba ang eksperto na trabaho na kinasanayan ng isang kawani sa isang ahensiya ng gobyerno.

“Yes, I think so. For example, ako, redundant ‘yung aking trabaho sa isang department, tatanggalin ako. Ililipat ako sa ibang department na hindi ko naman expertise, hindi naman ako skilled doon sa isang department. So, balewala,” ani Jinggoy.

Suportado ng karamihan sa mga senador ang rightsizing sa mga opisina ng pamahalaan.

Naniniwala si Senador Jinggoy na ang mga magkakapareho na function ay posibleng dahil sa political accommodation.

Follow SMNI News on Twitter