HINIKAYAT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang gobyerno na kung kakayanin dapat na isama ang mga middle class sa ayudang ipinamamahagi ng gobyerno sa mga apektado ng pandemya.
Sa isinagawang phone patch interview ng Senate media kay Dela Rosa tinanong ang senador kung dapat din ba na mabigyan ng ayuda ang mga middle class bukod sa mga nasa laylayang sektor ng lipunan.
Ayon kay Dela Rosa, lahat naman apektado ng naranasang pandemya, pagtaas ng gasolina at pagtaas ng bilihin kung saan hindi lamang ang mga mahihirap kundi ang maging mga nasa middle class na nagnenegosyo at nagtratrabaho ay apektado rin.
Iginiit pa ng mambabatas na ang middle class ang malaki ang naiambag na buwis sa gobyerno kung kaya’t dapat din na makinabang sila sa buwis na kanilang binayaran.
Subalit dapat din aniya na pag-aralan kung kakayanin ng gobyerno na mabigyan ng ayuda ang middle class.
“Just to mitigate the impact kasi mabilis, abrupt eh. Pagbigyan muna natin ang tao sa kailangan nila hangga’t makaya pa. Kapag hindi pa makaya then look for the net para bigyan natin sila ng hanap buhay nila,” pahayag ng senador.
Sa kabilang banda bukod sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na mga kababayan iginiit ni Dela Rosa na mas maganda na sa halip na bigyan ng isda mas makabubuti na turuan silang mangisda.
Tinutukoy ng senador na sa halip na bigyan ng ayuda mas makabubuti na turuan at bigyan ng pangkabuhayan ang mga kababayan.