PINAYUHAN ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang kampo ni Vice President Leni Robredo na huwag nalang makisawsaw sa mga hakbang ng pamahalaan kaugnay sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ito’y matapos na umano’y boluntaryo na magpresenta si VP Leni na magsama sila ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isang infomercial na maghihikayat sa publiko na magpabakuna.
Sa personal na pananaw ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi ito pabor sa mungkahing pagsamahin sina President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa kampanya upang hikayatin ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa kalihim dapat tingnan at alamin muna kung ano ang magiging kontribusyon ng pangalawang pangulo sa nasabing infomercial kasama ang presidente
Una nang iminungkahi ito ni Senator Joel Villanueva upang mahikayat ang mga Pilipino na magpabakuna.
Mas mainam aniya na magpalabas ng isang joint public service announcement sina Pangulong Duterte at VP Leni.
Pero para kay dating Special Assistant to the President Senator Bong Go, hindi siya pabor sa mungkahing ito.
Ani Go, mas maganda na magsolo nalang si VP Leni sa paggawa ng palabas o komersyal kaugnay sa kahalagahan ng pagpapabakuna.
Ani Go, hindi niya nagugustuhan ang mga reklamo ng kampo ni Robredo at mga kasamahan sa oposisyon kaugnay sa mga programa ng Duterte Administration lalo na sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Naniniwala rin si Go na posibleng gamitin lang ng mga kalaban sa politika si Pangulong Duterte para magpabango sa publiko.
Giit pa ng senador, kung kailan maganda at matagumpay na ang pagtugon ng bansa sa usapin ng COVID-19, saka naman aniya makikisawsaw ang oposisyon para mag-alok ng tulong sa gobyerno.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Malakanyang kung tatanggapin o napag-uusapan na ba ang posibleng pagkakaroon ng COVID-19 joint public service announcement ng Duterte-Robredo tandem.
Ayon sa datos ni Senator Go, tumataas na ng hanggang 50 porsyento ang naniniwala sa kahalagahan ng pagbabakuna mula sa target na populasyon na dapat mabakunahan sa bansa.