Senator Bong Go, nais maging pangulo ng bansa —Duterte

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nais ng kanyang dating aide na si Senator Christopher “Bong” Go na maging pangulo ng bansa.

Ipinahayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng bagong port terminal building sa Dumaguete City, Negros Oriental.

“Ito kasi si Senator Bong Go. Pababa kami ng eroplano, sabi n’ya na, ‘Sir, may hingin sana ako sa’yo ng pabor. Sabi ko, ‘ano?’ Sabi n’ya, ‘Medyo leaves a bad taste in the mouth. Malayo pa ito…ikaw na lang ang magsabi sa kanila,”pahayag ni Duterte.

“Ang totoo talaga, isang bagay lang, sabihin daw sa inyo, gusto n’yang maging presidente,”dagdag ng Pangulo.

Napatawa naman si Senador Go sa mga sinabi ni Duterte kasabay ng pag-iling-iling sa ulo nito at kumpas ng kanyang kanang kamay bilang pahayag na nagbibiro lamang ang Pangulo.

Naiulat na kumakalat sa social media ang isang resolution nang nilagdaan ng mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na humihikayat kay Duterte na tumakbo para sa bise presidente sa 2022 elections.

Nilagdaan ang nasabing resolusyon noong Marso 8.

Plano rin umanong tatakbo ang presidente ng nasabing partido na si Senator Manny Pacquiao sa pagkapangulo sa 2022.

Matatandaan na mariing tinututulan ni Pangulong Duterte na tumakbo ang anak nito na si Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte sa 2022 presidential race.

Matapos hinikayat ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel si Duterte na kumbinsihin si Mayor Sara o ang kanyang dating long-time aide na si Senator Go na tumakbo sa pagkapangulo.

Una na ring naiulat ang pangunguna ni Mayor Sara sa presidential at vice presidential survey na isinagawa ng OCTA Research Team.

Nakuha ni Mayor Sara ang 22% ng mga respondents ang nais siya ang maging susunod na presidente ng bansa.

Sumunod si Senador Grace Poe na may 13%, Senador Manny Pacquiao at dating Senador Bongbong Marcos na kapwa nakakuha ng 12%.

SMNI NEWS