Senator Bong Go, suportado ang pagtatayo ng sariling virology center sa bansa

SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagkakaroon ng sariling virology center sa bansa upang makagawa ng sariling mga bakuna bilang panlaban sa anumang sakit kagaya ng COVID-19.

“Ako naman po ay pabor naman po ako dahil ‘di natin masabi kung may pandemya pa na darating sa buhay natin. So mabuti na po na maging proactive tayo. Someday, magkaroon sana tayo ng sariling vaccine manufacturer sa bansa,” pahayag ni Go.

Ang ideyang ito ay nagawa sa gitna ng nararanasang paghihirap ng bansa sa pagbili ng mga bakuna sa global market.

Ang mungkahing paglikha ng sariling virology center ay mag-uudyok sa mga virology center, institute at scientists na magsagawa ng pananaliksik upang mapahusay ang larangan ng virology sa bansa.

Pangungunahan naman ito ng mga kinauukulangang ahensiya ng gobyerno, pribadong kompanya at academe kaugnay sa mga polisiya, pagpaplano, at pangangasiwa sa medical resources sa panahon ng health crisis.

Ayon kay Go, kailangan na mag-aral ang bansa kung paano isulong, magdulot, at gumawa ng sariling mga bakuna.

“Now it’s take it or leave it. Kung ‘di tayo sumunod sa kanilang agreement ay di tayo mabibigyan ng bakuna. Halos nagmamakaawa pa tayo,” ayon kay Go.

“Naaawa na nga po ako sa mga kasamahan natin sa gobyerno na halos walang tulog para bigyan lang tayo ng bakuna. Ginagawa naman po ng gobyerno ang lahat sa abot ng makakaya para makakuha ng bakuna,” dagdag ni Go.

Naglaan ng P50 milyon ang pamahalaan sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act para sa detalyadong disenyo ng virology institute na planong itatayo sa New Clark City, Tarlac.

Ang nasabing institute ay kabilang sa Build, Build, Build program ng gobyerno.

(BASAHIN: Senator Bong Go, nais maging pangulo ng bansa —Duterte)

SMNI NEWS