Senator Go, bukas sa itinutulak na imbestigasyon ni Senator De Lima laban sa kanyang pamilya

Senator Go, bukas sa itinutulak na imbestigasyon ni Senator De Lima laban sa kanyang pamilya

BUKAS si Senator Christopher Bong Go sa itinutulak na imbestigasyon ng kapwa niya senador na paimbestigahan siya at ang kanyang pamilya sa Senado.

Napag-alaman na si Senator Leila De Lima ay naghain ng Senate Resolution No. 809 para maitulak sa Senado ang imbestigasyon sa diumano’y suspicious contract na na-award sa CITG Builders at Alfredo Builders na pagmamay-ari ng pamilya ni Senator Go sa Davao City.

Nakasaad sa reso na ang CITG Builders at Alfredo Builders  na pag-aari ng ama ng senador na si  Desiderio Go at half-brother Alfredo Amero Go, ay may pinakamaraming nakatanggap na proyekto sa Davao Region ayon sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2018.

“It is imperative to verify whether acts that amount to taking undue advantage of one’s official position, authority, relationships, connections, and influence to the damage and prejudice of the people, have been committed in the Desiderio Go and Alfredo Go contracts with government,” ayon sa statement ng Senate Resolution No. 809.

Bago ito ay sinabi naman ni dating Senator Antonio Trillanes IV na P6.6B halaga ng anomalous road projects na na-award sa pamilya Go ay maari aniyang makasuhan ng plunder ang Senador maging si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ni Trillanes nakakuha ng P5.1 B na halaga ng proyekto ang CLTG at Alfrego Builder sa unang dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Duterte at P1.5 B naman ang na-award sa mga nasabing kompanya noong alkalde pa lamang si Duterte sa Davao.

Nirerespeto naman ni Go, ang itinutulak na imbestigasyon ni De Lima sa paghahain ng imbestigasyon laban sa kaniya.

Ang mahalaga aniya ay lumabas ang katotohan sa mga alegasyon na ipinupukol sa kaniya.

Bahala na rin aniya ang mga senador kung papatulan nila ang mga pahayag ni De Lima.

Hamon naman ni Go kina De Lima at Trillanes na patunayan ang kanilang mga paratang sa tamang forum.

Mga paratang na gasgas na at wala aniyang ibang intensyon kundi siraan siya.

‘’Habang nagseserbisyo kami sa tao, may mga iba dyan na puro black propaganda lang ang inaatupag. Bulok na yang style nila at sawa na ang taumbayan sa panlilinlang nila Trillanes at De Lima,’’ayon kay Senator Bong Go.

Gaya ng matagal ng sinabi ni Go na magre-resign ito kung sakaling mapatutunayan ang mga alegasyon ng korupsiyon laban sa kaniya.

SMNI NEWS