Senator Go, umapela na klaruhin ang A4 Category Priority List

PANAWAGAN ngayon ni Senator Christopher ‘Bong’ Go sa Inter Agency Task Force (IATF) na klaruhin pa lalo ang guidelines kung sino talaga ang kabilang sa A4 category list, ang uunahin sa priority, saan sila lalapit para magparehistro at paano masisigurong mababakunahan sa maayos at ligtas na paraan sa iba’t ibang parte ng bansa.

“Alam nating aprubado na ng IATF ang framework ng A4 Category sa ating priority list, at kung anong sectors ang bahagi nito. Pero nanawagan ako na dapat klaruhin pa lalo ang guidelines kung sino talaga, within the sectors mentioned sa A4 category, ang uunahin sa priority, saan sila lalapit para magparehistro, at paano masisigurong mababakunahan ang dapat mabakunahan sa maayos at ligtas na paraan sa iba’t ibang parte ng bansa,” pahaya ni Go.

Ayon kay Go, naghahanda ang gobyerno para sa pagpapalawak pa ng vaccination program sa mas marami pang populasyon sa bansa ngunit para maisagawa ito ay nangangailangan ng mas masusing preparasyon para masigurong maayos ang magiging bakunahan at ligtas ang publiko lalo na at may kumakalat na bagong variant.

“Dapat siguraduhin natin na mabilis at sistematiko ang pagdi-distribute ng mga bakuna, lalo na ngayong may mga kumakalat na bagong variants na mas nakakahawa. While we want to vaccinate as many people as quickly as we can, we still need to ensure their health and safety while they are in the process of getting vaccinated,” ani Go.

Sa inilabas na updated na listahan ng IATF ng Abril 15 kabilang sa A4 category ang sektor ng edukasyon, government services, manufacturing, market, news media at transportasyon.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, sa ngayon ay hindi pa napa-finalized ang susunod na yugto ng vaccination roll out sa bansa.

Aniya, depende umano ito sa availability ng bakuna, inaasahan ng pamahalaan na masisimulan ang pagbabakuna sa A4 category sa buwan ng Hunyo o Hulyo ngunit magiging halinhinan ito habang tinatapos na mabakunahan ang natitira pang dapat mabakunahan na kabilang sa A2 category o senior citizens at A3 category o person with comorbidities priority groups.

Una rito ay binigyang diin ni Sen. Go ang kahalagahan na mabakunahan ang media sector dahil sa ginagampanan nitong paghahatid ng balita bilang kasangga ng gobyerno sa laban kontra COVID-19.

“Ang media ay napakaimportanteng sektor at maituturing ding essential workers dahil sa tungkulin na kanilang ginagampanan. Sila ang nagdadala ng balita at kasangga natin sila sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko,” ayon kay Go.

Kaya dapat lamang umanong mabigyan ng bakuna ang mga ito bilang mga essential worker upang patuloy na makapagtrabaho at makapag-cover ng balita para ihatid sa publiko.

“Kaya dapat ang media ay bigyan din ng prayoridad ‘pag andyan na ang safe at epektibong vaccine para tuloy-tuloy din ang inyong pagtatrabaho, pagko-cover at pagdadala ng balita sa ating mga kababayan,”dagdag ni Go.

(BASAHIN: Pagdating ng mas marami pang bakuna, tiniyak ni Sen. Bong Go)

SMNI NEWS