Senator Go, umapela sa PDP Laban na respetuhin ang pag-ayaw niya sa endorsement ng partido

Senator Go, umapela sa PDP Laban na respetuhin ang pag-ayaw niya sa endorsement ng partido

UMAPELA sa PDP-Laban si Senator Christopher ‘Bong’ Go na respetuhin ang pag-ayaw niya sa endorsement ng partido.

Muling tumanggi si Senator Bong Go na maging presidential candidate ng partidong PDP-Laban.

Ito ay matapos pormal ng ginawa ng partido ang nominasyon para sa tambalang Go-Duterte sa 2022 elections sa naganap na national assembly ng PDP-Laban sa Pampanga kahapon.

Sa isang video message ay sinabi ni Sen. Go na sakit lamang sa ulo ang maging presidente dahil sa hamon na kinahaharap ng bansa.

Sinabi rin ni Go na kaya pinili niyang hindi daluhan ang pagpupulong kahapon ay para hindi na magkaroon ng maling kahulugan ang maari niyang pagdalo.

Apela ngayon ng senador na sana ay respetuhin na lamang ng PDP-Laban ang kaniyang desisyon.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay opisyal ng nag-decline ang senador sa endorsement ng partido.

‘’I have already respectfully declined your endorsement through a letter I sent last week. I am hoping that the party will continue to respect my decision,’’ayon kay Senator Go.

“Gayunpaman, asahan ninyo ang aking buong suporta sa ating partido. Kahit hindi ako tumakbong Pangulo, patuloy pa rin naman akong magmamalasakit at magseserbisyo sa sambayanang Pilipino,”dagdag nito.

Dagdag pa nito na ang mahalaga sa bagay na ito ay mahanapan ng ibang makakatambal si Pangulong Duterte upang magkaroon ng “continuity” sa magandang programa ng Pangulo.

‘’Ang importante ay hanapan natin ng katimbang si Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang pagbabago. Yun ang continuity na inaasam natin,’’ayon kay Go.

Matatandaan naman na una ng inalok ni Sen. Go ang sarili para maging bise presidente ni Davao City Mayor Inday Sara.

Paliwanag ni Go na ang debosyon niya  sa Presidente ay pareho lang din para sa presidential daughter.

SMNI NEWS