KAILANGAN nang bumaba sa pwesto si Senator Richard Gordon bilang Chairman at President ng Philippine Red Cross (PRC).
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasunod ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y pagbili ng overpriced na face masks, face shields at personal protective equipments (PPEs) ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Pangulo, mahilig mang-imbestiga ng mga anomalya at korupsyon si Senator Gordon pero pagdating sa Red Cross, parang personal na aniya pag-aari ito ng senador.
“Ikaw Gordon mahilig ka mag-imbestiga ng anomalya at katiwalian pero pagdating sa iyong Red Cross na hinawakan mo parang propidad mo, for the longest time hindi ka na natanggal diyan, dapat palitan ka na,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Matatandaan na naging chairman ng PRC si Gordon noong 2004.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, hindi rin magkakaroon ng katotohanan sa mga imbestigasyon sa Senado dahil hindi naman pinapatapos magsalita ang mga testigo.
Malinaw aniya na ang naturang mga imbestigasyon ay hindi in aid of legislation kundi in aid of election.