Senator Ping Lacson, itinanggi na isa siyang red-tagger

Senator Ping Lacson, itinanggi na isa siyang red-tagger

NANINDIGAN si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na hindi siya nangre-red tag sa sinumang kandidato nang magbabala ito sa isang grupo na gumagawa ng koalisyon kasama ang CPP-NPA-NDF.

Sa isang pahayag ay iginiit ni Partido Reporma standard-bearer na hindi ito nangre-red tag  matapos ang kaniyang tweet  na inuugnay sa mga dumalo sa campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Cavite noong nakaraang linggo.

Sa tweet ni Lacson ay nagbabala ito na may grupong nagpaplano na gumawa ng isang coalition group sa CPP-NPA-NDF.

Pero ayon kay Lacson, pagbibigay babala lamang ito para sa taumbayan upang mapanatili ang kapayapaan sa bansa at matigil na ang insurhensya.

Dagdag ni Lacson mayroon siyang sariling intelligence sources at giit nito na wala siyang pinatutungkulan na partikular na kandidato o presidential candidate kasunod ng kaniyang pahayag.

“That being said, I never red-tagged anybody. I was simply warning those concerned to be wary of a possible coalition government with a movement whose sole objective is to seize power. For the sake of peace and prosperity, insurgency and corruption must end,” pahayag ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na ang kaniyang tweet ay na-trigger lamang kasunod ng naging pahayag ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla.

Ayon kay Remulla, bayad ang mga kabataan na umaatend ng campaign rally ng isang presidential candidate sa Cavite.

Saad din ni Remulla na ang mga umattend sa campaign ay tila mga aktibista na sinanay ng NDF.

Samantala, dumepensa rin kay Lacson si Partido Reporma Cavite Chapter chairman Atty. Rafael Rodriguez.

“Matagal nang nagsilbing intelligence officer ng PNP si Senador Lacson hanggang sa maging Chief PNP. Alam niya na lahat na paratang, dapat ay may basehan. Bihasa siya sa pag-fact check. Dahil din dito, malawak ang intelligence network ni Senador Lacson,” ayon sa Partido Reporma Cavite Chapter.

Ayon pa kay Rodriguez, kadalasang ginagamit ng mga insurgency groups na ito ang isang lehitimong panawagan tulad ng panahon ng eleksyon upang mapalawig ang kanilang organisasyon.

Dagdag pa nito na  malaya ang mga Kabitenyo na umattend ng kahit anong rally dahil bahagi ito ng demokrasya na kanyang pinangangalagaan at pinaglalaban.

At hindi rin aniya sinabi ni Lacson na ang lahat ng nagpunta sa rally na kahit sino ay may koneksyon sa CPP-NPA-NDF.

Sa huli panawagan nito na itigil na ang mga walang basehang paratang laban kay Lacson dahil lahat naman tayo ay nagkakaisa sa mithiin na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa.

Follow SMNI News on Twitter