Senator Revilla, pinabibilis ang pagtatayo ng health facilities sa bansa

Senator Revilla, pinabibilis ang pagtatayo ng health facilities sa bansa

NAIS ni  Senador Bong Revilla na maging sing-aktibo ng Build Build Build program ang pagtatayo ng mga ospital at iba pang healthcare facilities sa bansa.

Sa inihain ni Senator Revilla na Senate Bill No. 26 o ang “Kaayusan sa Adhikaing Pagamutan Act” ay layuning mapabilis at maitaas ang antas ng health facility development sa bansa.

Ito ay kasabay sa paggunita ng National Hospital Week na ipinagdiriwang tuwing Agosto 6-12 kada taon alinsunod sa Presidential Proclamation 181 na inilabas ng namayapang Pangulong Fidel V. Ramos noong 1993.

Kinikilala ng panukala ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga pagamutan sa bansa para sa kalusugan ng mga mamamayan.

“Sakaling maging ganap na batas ang panukala natin ay magiging mabilis ang pagkilos para madagdagan ang mga ospital at iba pang healthcare facilities para mas makapaghanda tayo sa anumang bugso ng kaso ng sakit, lalo pa at nasa panahon pa rin tayo ng pandemya,” pahayag ni Revilla.

Ayon kay Revilla, malaking aral ang karanasan ng bansa sa kasagsagan ng pandemya.

Dahil sa mga kaso ng COVID-19 ay tumambak ang napakaraming pasyente sa labas ng mga pagamutan sa kakulangan ng pasilidad lalo na ang mga intensive care units (ICU).

Ang panukala ni Revilla ay naaayon din sa inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25 na kailangan aniyang magtayo ng maraming pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mas mailapit ang serbisyong medikal sa taumbayan.

Alinsunod din ito sa infrastructure program ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na Build, Build, Build ngunit nakatuon lamang sa Philippine Health Facility Development Plan upang matugunan ang kakulangan sa healthcare infrastructure tulad ng mga ospital, polyclinic, mga referral laboratories, birthing centers, at iba pang pasilidad pangkalusugan.

Kabilang din ang pagsasayos ng mga luma ngunit gumagana pang pasilidad, palawakin ang mga kapasidad, unahing ayusin ang mga sira nang istraktura at ipaprayoridad ang pagtatayo ng mga pagamutan.

Matatandaang aminado ang Department of Health (DOH) na may kakulangan ng mga pagamutan dahil sa umiiral na pandemya.

Follow SMNI News on Twitter