INILATAG ng dalawang senatorial aspirant ang kanilang magiging hakbang para maiwasan ang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga opisyal ng gobyerno sa pagpapatupad ng batas. Nagbigay rin sila ng pananaw kaugnay ng umiiral na justice system ng bansa.
Sa ikalawang episode ng ‘Sukatan: the SMNI Senatorial Interview, Karapat-Dapat Ka Ba?’, sinabi ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales na isa ring senatorial aspirant para sa 2025 midterm elections, na naniniwala siya na umabot na ang korapsiyon sa justice system ng bansa.
“Inaabot na rin ‘yan, I’m sorry to say this. Pero nakikita rin natin ‘yan sa ating husgado,” wika ni Norberto Gonzales, Senatorial Aspirant.
Tahasang sinabi ni Gonzales na napapakialaman ng mga politiko ang mga desisyon ng mga husgado kung saan naiuugnay aniya ito sa bulok na sistema ng politika sa ating bansa.
“Napapakialaman din ang ating hustisya at ‘yung ating mga politiko ang masasabi ko, based on experience, based on when I was in office, talagang napapakialaman ang mga kaso natin sa hustisya,” dagdag ni Gonzales.
Kaya naman binigyang-diin ni Gonzales ang pangangailangan sa maayos na political system dahil dito kadalasan nauugat ang korapsiyon maging ang pag-abuso ng kapangyarihan.
“Kailangan talaga medyo repair ang ating politika dahil diyan nag-uugat ang korapsyon at diyan nag-uugat ang pang-abuso ng power natin na kung minsan nababaliktad pa. Kung sinong may kasalanan ay nakakalaya at walang-sala ay nakukulong,” ani Gonzales.
Dating Defense Secretary, naniniwalang may ‘abuse of power’ na nangyari sa KOJC siege
Kaugnay rito, iginiit ng dating defense secretary na malinaw na may nangyaring pag-abuso sa ‘police powers’ noong kasagsagan ng KOJC siege.
Kung matatandaan, puwersahan at ilegal na pinasok ng libu-libong kapulisan ang KOJC religious compound sa Davao City.
Marami ang nasaktang missionary workers at may ilan pang nasawi sa bayolenteng pagkubkob ng mga armadong awtoridad sa naturang religious compound.
Iniuugnay naman ito ni Gonzales sa aniya’y umiiral na partisan politics kung saan may mga nais pabagsakin ang pamilyang nangunguna sa politika sa Davao.
“Malinaw naman ‘yon na inabuso ang police powers doon. Ngayon lang ako nakakita na battalion ang pumapasok na pwersa tinatakot. So, nakikita natin biglang umiral ang partisan politics sa nangyari sa Davao. Mukhang gustong pabagsakin ang nangungunang pamilya sa politika sa Davao. Naniniwala ako doon,” ani Gonzales.
Sapat na pondo para sa mga husgado, isusulong ng isang abogado at senatorial aspirant
Sa kabilang dako, isusulong naman ng isang abogadong tumatakbo sa pagkasenador na si Atty. Angelo de Alban ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa mga husgado.
“Makikita niyo naman sa bagong budget natin, almost 1% percent lamang ang budget ng husgado. Bakit ho? Hindi ba sa law school pa lang kahit sa college natututunan na natin na nag judiciary ay third equal branch of the government. Pero bakit ang kanilang pondo ay 1 percent,” wika ni Atty. Angelo de Alban, Senatorial Aspirant.
Paliwanag niya, kapag may sapat na pondo ang mga husgado, magiging mabilis at maganda ang kanilang operasyon. Matutugunan din aniya ang anumang suliraning legal ng bansa lalo na ang pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsiyon.
Naniniwala kasi si De Alban na kung hindi maganda ang pondo ng husgado, maaapektuhan ang kanilang operasyon.
“Kasi kapag may corruption, may pang-aabuso at mayroon namang witnesses and pieces of evidence ng corruption, abuses on any part of the government, kailangan kasuhan natin itong mga ito. Kapag maganda ang pondo ng husgado, lahat ‘yan masasagot,” saad ni De Alban.