SUMALANG na sa bidding process, Huwebes ng umaga, Pebrero 29, 2024 ang dalawang kompanya na nakapagsumite ng bidding documents para maging transmission services provider ng Commission on Elections (COMELEC) sa 2025 Midterm Elections.
Ito ay ang joint venture ng iONE Resources Inc. at Ardent Networks Inc., at joint venture din ng eBIZolution Inc., Secur Links Network and Technologies, Inc. at Systems Information Solutions Corporation.
Ang mga ito parehas na idineklarang eligible ng COMELEC pagkaraan ng ilang oras.
iONE Resources Inc, idineklarang lowest bidder sa transmission services ng COMELEC
Kasunod naman, ay nagkaroon ng pagbubukas ng financial documents kung saan ang iONE Resources Inc. ang nakapasa sa mga requirements at ang nanalong lowest bidder na nag-alok ng P1.4-B na halaga para sa kontrata.
Ang kompanya dadaan pa rin sa post qualification evaluation.
Layunin ng bidding na makapili ng kompanyang mangangasiwa sa pagpapadala ng electronic data results ng eleksiyon mula sa Automated Counting Machines (ACM) papunta sa canvassing system, national board of canvassers, at data centers.
Hindi tulad ng mga nakaraang halalan, plano ng COMELEC na hindi na gagamit ng transparency server ang poll body para diretso at sabay-sabay na makarating sa board of canvassers, media at stakeholders ang resulta ng halalan.
Wala namang nakikitang problema ang COMELEC pagdating sa compatibility kahit iba ang service provider para sa VCMs at transmission dahil sa advancement ng mga teknolohiya.
Matatandaan na Miru Systems ang nanalong bidder para sa mga makinarya pero wala itong aplikasyon para sa transmission services.
Tiwala naman ang COMELEC na magkakaroon ng check and balances sa pagbibilang ng boto kung hiwalay ang kompanya na hahawak sa makinarya at transmission of votes.