SA ilalim ng pakikipagtulungan ng Caloocan City Government at Golden Arches Development Corporation, ang master franchise holder ng McDonald’s sa Pilipinas, may oportunidad na ang lahat ng resident senior citizens ng lungsod na magtrabaho sa nasabing food chain.
Kabilang sa mga maaaring pasukan na trabaho ng mga senior citizen ang mga branches ng McDo sa Vicas, Puregold-Zabarte, North Olympus, Maypajo, EDSA, MCU at C4 branches.
Ang nasabing inisyatibo ay bahagi ng pagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga kabataan at matatanda bilang suporta sa pangangailangan ng mga pamilya nito.
Pinapakiusapan naman ng lungsod ang publiko na igalang pa rin ang mga lolo at lola sa gitna ng kanilang pagganap ng tungkulin bilang service crews.
Isa rin sa naging susi ng programa ang Local PESO at OSCA para maisakatuparan ang proyekto na kumikilala sa kakayahan ng mga residente ng Caloocan sa kabila ng pagkakaiba iba ng edad at kakayanan.
“Ang pakiusap ko lamang po ngayon, suklian natin palagi ng ngiti at paggalang ang mga lolo at lola natin na always ready to serve sa inyong pagbisita sa mga McDonald’s sa lungsod. Gayundin, suportahan po natin ang ganitong mga negosyo na nagbibigay ng katulad na oportunidad sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Mayor Along Malapitan.