NAGING matagumpay ang shoot for a cause ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO) na tinatawag na Congressman Sandro Marcos Cup Shoot-For-A-Cause.
Ang aktibidad ay suportado ni Cong. Sandro, mga kaibigan nito at iba pang pribadong indibidwal.
“Actually, hindi lang financial support ang nag-uumapaw na binibigay nila sa atin pero lahat ng mga kaibigan ni Chief-of-Staff Ryan Remillo and si Congressman ay talagang tinawagan nila at nagbigay ng support dito sa atin sa shoot-for-a-cause na ito,” ayon kay PCol Jeff Fanged, Pangasinan PPO, Provincial Director.
Layunin ng shoot for a cause ng Pangasinan PPO na muling makapag-abot ng tulong sa mga pulis na may matinding sakit na una nang nakapagbenepisyo sa nakaraang shoot-for-a-cause event ng ahensiya.
Maliban dito ay magtatayo rin ang Pangasinan PPO ng Childhood Care and Development Center o daycare center sa loob ng Camp Governor Antonio U. Sison.
“And the proceeds of this Sandro Marcos Cup will also benefit again ‘yung ating mga terminally ill na personnel but then part of it will go to our first. I don’t know if it’s in the entire country but I think in Region 1 tayo ‘yung first. We will be erecting a daycare center inside the camp,” dagdag ni Fanged.
Hunyo 26, ay sinimulan na ang ground breaking ng itatayong daycare center sa loob ng nasabing compound na dinaluhan ng kinatawan ni PNP chief Maj. Gen. Benjamin Acorda, Jr. na si Lt. Gen. Michael John Dubria, PNP Deputy Chief of Operations.
Pinuri nito ang inisyatibo ng Pangasinan PPO sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Jeff Fanged na magtayo ng daycare center.
Ayon naman kay Fanged, makapagbenepisyo sa itatayong daycare center ang mga anak ng mga pulis at mga dating guro na mga pulis ang gagamitin para rito.
“Our personnel will not have to worry because pagpasok nila dito dala na ‘yung kanilang mga anak doon na ilalagay at marami po tayong mga dating mga teachers na pumasok sa pagkapulis at sila’y gagamitin natin na mga teachers natin sila ang magtuturo,” dagdag pa ni Fanged.
Payo naman ni PLtCol Bingo de Asis, presidente ng Philippine Practical Shooting Association, sa mga gun owners na maging responsable sa paghawak ng baril lalo na kung may kasamang mga anak.
“’Yung ating mga gun owners bago sila mabigyan ng lisensya, registration, at mabentahan ng baril, kinakailangang responsible sila. Meron tayong training dyan na gun safety responsible course na kung saan itong mga gun owners natin ay tinuturuan hindi lang para sa sarili nila na maging safe kundi para doon sa mga nakakasama nila sa trabaho, sa bahay, o sa ganitong sports lalong lalo na sa mga anak,” pahayag naman ni PLtCol. Bingo de Asis, Ph Practical Shooting Asso., President.
Samantala, may babala naman si Fanged sa mga nasasakupang pulis na masasangkot sa ilegal na gawain gaya ng droga at pagkilala naman sa mga pulis na gumagawa nang maayos.
“You’ll be the first na malilintikan ka sa akin. First hour or first second…pero ikaw pulis gumagawa ng maayos we are quick also to give…ni-recognize natin sila. So marami tayong ginagawa na pinapakita sa kanila na pag ito ang ginawa mo, magsa-suffer ka. Pero ‘pag ito maganda yung ginawa mo, ipi-praise ka at you will be emulated by your peers, ‘yung mga kasamahan mo,” wika ni PCol. Jeff Fanged, Pangasinan PPO, Provincial Director.
Ipinangako naman ni Fanged na magiging very peaceful ang darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buwan ng Oktubre at may gagawin itong paraan para hindi makaporma ang mga private armed groups sa mga panahong iyon.